Masaya kapag may nasulat ka tapos positive ang response or comments na natatanggap mo. Masaya nga naman talaga kaso ayaw ko naman maging writer. Salamat sa pagbasa sa mga libro ni Uncle Roberto “Bob” Ong. Malaki ang inpluwensya nya sa akin. Naisip ko tuloy ang pinsan ko na pinangarap maging sundalo. Sya ang panganay kaya tulad ng karamihan sa mga pamilyang Pilipino sya ang inaasahan. Kaya ang nanay nya ang pumili ng kursong kinuha nya. Titser ang gusto ng nanay nya. Hindi ko nga alam kung bakit titser ang gusto ng demanding ina. Ilan na ba naging milyonaryo sa pagiging titser? Kailangan ngang magbenta ng yema sa mga pupil nila ang iba para lang may dagdag kita. Napanood ko bago ang pasukang ito, may nabuking na titser na nagpapabayad ng 150 pesos para sa enrollment ng bawat bata sa elementarya. May nagreklamo, kaya para mapatunayan gumamit sila ng hidden camera. Mahirap na ngayon ang mangloko kasi may hidden camera. Pero di ba may nahuling mataas at kagalang-galang na kandidato na nakikipag-usap sa isang opisyal ng comelec sa kalagitnaan ng eleksyon? Na-wiretapped sila, di naman nakulong. Pero illegal ang wiretapping di ba? Hindi ata pwedeng gamitin na ebidensya ang illegal. Di ko lang alam. Ganun ba yun? At tsaka wala namang nagreklamo na sila ay na-wiretapped. May nagsori lang naman na nakipag-usap lang daw sya sa isang Comelec official. Yan ang kagalang-galang.
Paano kaya ituturo ngayon sa mga bata na “honesty is the best policy?” Isang kwento ang naaalala ko kapag naririnig ko ang kasabihang ito. Kwento ng isang babae na maniningil ng utang sa kumare nya. Nagpunta sya sa bahay ng kumare, ang inaanak nya ang sumalubong sa kanya. Tinanung sa bata kung asan ang nanay nya. “Nasa loob po ninang, teka lang po at tatawagin ko” Pumasok ang bata. “Bakit mo sinabing andito ako?! Ha?!” sabi ng ina kaya agad na bumalik sa ninang at ito ang sabi, “ninang wala daw po si nanay may pinuntahan daw po sya, bumalik na lang daw po kayo sa ibang araw sabi nya.” Naiinis/natutuwa ako pag naaalala ko ang kwentong ito. Sigurado ako tinuruan ng titser nya sa eskwelahan na “honesty is the best policy.” Natatandaan ko pa nga ito noong elementarya ako na nakadikit sa dingding kasama ang mga tamang paraan ng paghawak ng libro pagnagbabasa. Anu kaya naramdaman ng bata noong sinabi nya ang sinabi ng nanay nya? Pagkatapos ng pangyayaring ito sa buhay nya, maniniwala pa ba sya sa titser nya? Iba naman ang tinuturo ng nanay nya. Pero hanga ako sa pagkamasunurin ng bata sa ina. Sigurado ako confused na sya. Nagkadilemma tuloy. Paglaki anu kaya ituturo nya sa magiging anak nya?
Mahirap talagang magturo lalo na kung hindi mo naman ginagawa ang sinasabi mo. Lasing ang tatay ko noong pinagsabihan kaming magkakapatid na hwag na wag iinum ng alak. Masama daw ito. Walang umimik sa amin. Tulala tuloy kami. Naisip ko uminum at maglasing para may lakas loob akong sabihin sa tatay ko na susundin naming ang mabuting pangaral. Gusto ko lang naman pero hindi ko naman ginawa. But I appreciated so much his love and concern. English na, lasing na ata. Ayy know… dat… wat… hi… told us es… poor our own googooood….!!! Alam nya kasi na nawawalan ng respeto sa sarili ang taong lasing. Alam ko ayaw nyang maranasan naming magkakapatid ang nararanasan nyang hirap kapag may hang-over sya. Dun nakita ko (naramdaman) ang pagmamahal sa amin ng aking ama. Alam ko rin pinipilit nyang talikuran ang paglalasing pero nasa sistema na kasi nya. Gusto nyang maging “credible” sa sinasabi nya kaya patago na lang sya sa pag-inum. Hindi naman kasi pwedeng bigla na lang naaalis ang 25 taong pagpapahusay sa pag-inum. Naiintindihan ko yun. Kaya nga rin di pwedeng patigilin na lang bigla ang batang umiiyak. Sasakit ang dibdib nun. Kaya nga din di pwedeng bigla ka na lang prepreno lalo na kapag may nakasunod sayo. Nasubukan mo na bang tumawa tas bigla kang titigil? Badtrip di ba? O Umutot ka?
Ang ating sinilingang Pilipinas ay di pwedeng baguhin sa isang iglap lang. Kailangan dumaan sa proseso (matuto) kung saan ang mga Pilipino ay handang humarap sa hamon ng buhay. Nagsusulat ako ngayon sa layuning mapag-isa ang mga Pilipinong nagkakahiwalay dahil sa mga pansariling layunin lamang. Nagsusulat ako para kahit kunti may pagnilay-nilayan tayo. Ayaw kong maging writer. Mas ayaw kong maging sundalo. Ayaw kong magsulat para lang mang-aliw at maaliw. Naaliw ako sa mga nabasa ko sa katotohanang may sakit ang mga pinoy. Naguluhan din ako sa mga hamon sa akin ni Uncle Bob Ong. Ang pinsan ko ayaw nya talagang maging titser kaya sabi nya sa nanay nya noong nakapagtapos na “graduate na ko nay pwede ka ng magturo!” Nag-smile na lang nanay nya! Gusto talaga ng pinsan ko maging sundalo kaya karpintero sya ngayon.
No comments:
Post a Comment