October 10th, 2008
Isang magkaibigan ang naisipang magkulong sa isang kwarto. Wala kasi silang klase ngayon sa kadahilanang medyo masakit lang ang ulo ng kanilang titser. Hindi pa daw nakakabayad ng utang sa kapwa niya guro. At dahil sa masaya ang araw na ito naisipan nilang magkulong sa kwarto ni Noynoy. Naisip nilang huwag lalabas buong maghapon. Walang kainan. Walang computer. Walang cellphone. Walang tulugan. Walang playstation. Walang TV, DVD, VCD, MP3, IPOD, VHS at Betamax. Walang myx at mtv. Wala din sana imikan pero hindi nila iyon naisip. Wala na din sana ako isusulat. Pwede uminum ng tubig lang. Basta trip lang nilang magkulong. Hindi sa kadahilanang wala silang pera kaya hindi sila makakalabas. Madami sila nito. Hindi nga lang nila alam gamitin. Hindi rin dahil grounded sila sa kanilang mga magulang. Hindi yoon maaring magiging dahilan ng pagkukulong nila kasi kayang-kaya nila parents nila. Ang maganda dito talagang naisip lang nila na magkulong. Going crazy? I don’t know. Ito ata ang unang pagkakataon na seryosong nag-isip sila. Pero plain trip lang nila ngayon ang ganito. Hindi pa kasi nila naranasang maboring sa tana ng buhay nila kaya gusto siguro nila ito i-experience - ang boredom. Pero madami ang nagagawa ng taong naboboring tulad ng nangyari sa malaking gulong sa mga carnaval. Naboring noon si Ferry kaya may Ferry’s Wheel. Nagbabayad ang mga tao ngayon para matakot at maghiyawan sa pagsakay sa malaking gulong na ito. Anyway, ika nga nila trip is trip!
Biglang nabasag ang katahimikan ng biglang tumawa si Noynoy. “Bwahahaha! Walang hiya! Nakakatawa naman ang mga ito!” Halos mamatay na ito sa kakatawa habang nakaturo ang kanyang hintuturo sa isang sulok ng pader ng kwarto at pagulong-gulong na din siya.
“Hoy! Gago! Bakit ka tumatawa diyan? Para kang demonyo!” masungit na tanong ng kaibigan. Ippi pala ang pangalan niya. Matagal na silang magkaibigan kaya medyo okay lang na magkagagohan sila kaysa naman magkagagahan.
“Hahaha! Ang demonyo galit sa kapwa demonyo! Relax lang pare.” Mahinahon at masayang sagot ni Noynoy.
“Gago! Anu ba kasi yan?” medyo bumaba ang tono ni Ippi. Mas mababa sa boses ngbaka.
“Hindi kasi kaya ng mata mo makita ang mga maliliit na bagay. Malalaki lang ang kaya. Tulad ng mga malalaking toinks! Kunin mo nga yung magnifying glass jan para makita mo! Bwahahaha!” nag-ala demonyo na naman si Noynoy.
“Walang hiya ka! Bakit mo ba tinatawanan yang pader?!” tumaas na naman ang boses ni Ippi. Mas mataas uli sa boses ng baka. “Nakadrugs ka ata pare! Nagsosolo ka na ngayon ah!”
“Ulol! Drugs ka jan!? Wala sa dictionary ko ang drugs!” medyo pikon na sumbat ni Noynoy. Ayaw niya kasing mapagbintangan ng wala naman sa kanyang dictionary.
“Bwahahaha!!! Tanga! Hindi dictionary! Vocabulary! bobo! Bwahahaha! Si Ippi naman ngayon ang nag-ala-demonyo.
“Bwahahaha!!!” tumawa na lang siya para hindi masyadong mapahiya tulad ng ginagawa nila kapag wala silang maisagot sa titser nila tuwing recitation sa klase. Naisip niyang ibalik ang topiko sa dahilan ng kanyang pagtawa kanina. “Nakakatawa talaga ang mga ito!”
Matagumpay na naibalik ni Noynoy ang kaibigan at nailihis sa kahihiyan. Nilapitan na niya ang kaibigan. “Walang hiya ka bakit mo tinatawanan ang mga langgam? Uhm!” sabay batok sa ulo niya.
“Aray! Eh… Aray! Ang sakit noon ah!” hindi na makasagot sa sakit na nararamdaman si Noynoy. Sa sitwasyong nasasaktan mahirap makapag-isip ng tama.
“Atsaka bakit may langgam dito? Walang hiya! May tinatago ka palang pagkain dito sa kwarto mo!Kanina pa ako gutom kaya ilabas mo na!” sabay hawak sa tiyan ni Ippi. Nagagalit si Ippi na may nalaman siyang baho pero naisip din niyang sumali sa bulok na ito. Naisip niya kasi ang mga politiko.
“Hahaha! Nasa rules and regulations natin ngayon na walang kainan kaya… kaya kahit may pagkain ako jan hindi pwede! Shit! Tignan mo parang chocolateko ata ang mga hawak ng mga langgam na ‘to ah! Walang hiya!” medyo gulat at hindi na mapakali si Noynoy. Ngayon lang niya kasi naisipang sumunod sa rules and regulations at ngayon lang din niya naisip na masakit din pala ang manakawan ng chocolate.
“Ay oo nga pala anu?” nakangiting sagot ni Ippi sa wala naman tanong na sinabi ni Noynoy. Kahit tanong din ang sinagot. “Hayaan mo na sila. Uy! Bakit mo pala tinatawanan ang mga yan?”
“Bwahahaha!” biglang bumalik ang saya sa buhay ni Noynoy, nagniningning ulit ang kanyang mga mata. “Tignan mo kasi pare tuwing magkakasalubong sila eh naghahalikan sila. Bakla ata ang mga ito tulad mo! Hahaha!”
Hindi pinansin ang joke ng kaibigan. “Kaya sila ganyan kasi sinasabi nila na may natitira pang pagkain doon sa pinagkukunan nila. Atsaka parang kumustahan na nila yan. They encourage each other to go on. They inspired each other not to give up. Madami ka pa sigurong chocolate sa aparador mo. Determinado silang tapusin ang anumang naumpisahan.” Seryosong sagot ni Ippi sa wala namang tanong ni Noynoy sa kanya.
“Parang may alam ka tungkol sa kanila ah?” gulat na tanong ni Noynoy sa kaibigan at parang naninibago siya. Para kasing nag-iba ang ihip ng hangin. Kahit nakasara naman ang mga bintana at pinto. Biglang lumiliwanag ang buong kwarto na kinalalagyan nila at namamangha siya sa mga narinig niya. Determinado si Noynoy na malaman kung anu pa ang alam ni Ippi sa mga langgam at tila parang naghihintay ng karagdagang liwanag sa makulimlim na panahon ng kanyang buhay.
“Nag-iipon sila ng pagkain para sa panahon ng tag-ulan. Masinop sila. Nagtutulungan sila pare. Iniipon nila ang mga sinasayang ng mga tao. Walang nagugutom at walang sakim. Tignan mo mas disiplinado pa sila kaysa sa tao. Walang nag-uunahan, pumipila sila. Hindi nila inaapakan ang kanilang kapwa. Lahat may kanya-kanyang tungkulin na ginagampanan. Pare, langgam man sila pero parang mas may puso pa sila kaysa sa tao. Hindi nila hinahayaan ang kapwa nila na nagugutom at namamatay. Totoong may hari at reyna sila pero walang mahirap o mayaman sa kanila. Lahat pantay-pantay. Reyna lang ata ang nandiyan ngayon. Nagbakasyon kasi ang hari.” Buong pusong sagot ng kaibigan sa tanong. Hindi man niya inakala na lalabas sa bibig niya ang kanyang mga sinabi pero alam niyang naniniwala siya dito.
“Pare… langgam ka ba?” Biglang tumulo ang luha ni Noynoy at buong higpit na niyakap ang kaibigan.
“Tahan na Noy, huwag mong hawakan ang hari.”
No comments:
Post a Comment