September 23rd, 2008
May tanong sa amin ang isang madre. Eto yung tanong niya, “Kailan ang pakikialam ay pagmamalasakit at kailan ang pagmamalasakit ay pakikialam?” Sabi ko sa sarili ko sana hindi na lang siya nagtanong. Hindi ko kasi alam kong nililito lang kami ng madre o di kaya eh nakakalito lang talaga ang tanong. Maari din naman na ayaw ko lang sagutin ang tanong kaya hindi ko na pinansin. Pero kung pagtutuonan ng pansin, pagninilayan ito ng mabuti at pupuyatan ito na kasama ang manok na hindi alam kung umaga na o madaling araw pa lang, makakagawa na ako ng isang nobela na susunugin ko din naman kasi walang magbabasa. At kung mapapansin niyo din inilalayo ko ang usapan sa tanong ng madre. At dahil ako ang nakapansin, sasagutin ko na lang ang tanong sa pamamagitan din ng mga sagot niya. Sabi niya kung ito daw ay nakakamatay siguradong pakikialam daw iyon at kung ito naman nakakabuhay syempre eh pagmamalasakit na yon. Kailan ka ngmalasakit sa kapwa mo pero sinabing nakikialam ka lang? Kailan ka naman nakialam pero pagmamalasakit pala iyon?
Isang kaibigan ang nagsabi sa kaibigan niyang may asawa. “Pare, mag-isip-isip ka nga! Bakit ka pa nakikipagkita sa ibang babae eh may asawa ka na nga!? Isipin mo naman ang pamilya mo, mga anak mo! Alam ko pare mahal ka ng asawa’t mga anak mo kaya huwag ka sanang ganyan!” At ito naman ang sinabi ng taksil na kumpadre sabay tutok ng baril sa bunganga ng nagmamalasakit na kumpadre. “Huwag kang makialam pare! Kapag nalaman ito ng asawa ko ikaw ang mananagot!” Ngayon, nagmamalasakit ba ang nagmamalasakit na kumpadre o nakikialam nga lang talaga? Huwag kalimutan, nakatutok ang baril sa bunganga. Nakakamatay di ba? Pero kung ako sayo huwag mo na isipin ang sagot kasi gawa gawa ko lang naman ang kwento ng magkaibigan na ito. Ngunit alam ko at alam mo at alam natin lahat na ang kwentong ito ay maaaring mangyari sa totoong buhay o di kaya eh nangyari na o maaring nangyayari na. Ika nga nila lahat possible.
Naisip ko lang at nagpapatunay din ang buhay ko na mahirap makuntento ang tao. Lahat gusto niya mapasakanya. Lahat aangkinin kung may pagkakataon at kung maari. Kung pwede nga bilhin ang buong mundo gagawin. Pero pwede naman ata. Nabili na ito ng isang taong namatay para matubos ang sangkatauhan. Pero alam kong sasabihin niyong spiritualized na naman ito. Pero hindi ba tama naman ako? Mukhang may tama nga ako. Kasi iyon ang sabi nila sa akin noong tinahak ko ang landas na tinatahak ko ngayon. Sa dinamidami nga naman ng pag-aaralan sa eskwelahan bakit pa ito ang napili ko. At kung iisipin nga naman napakahirap ng napili ko. Iisipin pa lang ito, paano na kaya kung gagawin na? Buong buhay o habang buhay kasi ako dapat magtimpi. Mahirap nga naman talaga. Siguro tatanungin niyo sa akin ngayon kung kaya ko ba? Tinanong ko na din ang tanong na yan. Ang sagot? Nakakaya ko pa naman. Kahit nahihirapan. Alam kong may mga bagay na hindi na pwede sa akin.
Sabi nga ni Bo Sanchez, “Satisfaction is not getting what you want but wanting what you already have.” May cellphone ka na ba? Magpapalit ka naman ba? May computer ka na? Bibili ka pa ba ng iba? May sasakyan ka na? Bago na naman ba? May asawa ka na? Bakit nanliligaw ka pa o di kaya nagpapaligaw ka pa? Hindi mo ba alam na naliligaw ka na? Maganda pa naman ang bahay niyo iibahin na naman ba? Madami tayo gusto angkinin pero hindi pa kasi natin naangkin ang mga nasa atin na. Kung alam lang sana natin ang kahihinatnan ng ating mga ginagawa wala na sana ngayong nakikialam at nagmamalasakit.
No comments:
Post a Comment