Thursday, October 30, 2008

Bibong Pinoy

September 18th, 2007

Madalas akong bumibisita sa National Bookstore. Martes at Linggo ako tumitingin ng mga libro na mura. Sale ang mga libro ngayon pero ang mga foreign authors lang. Malapit na ngang mapuno ang maliit na bookshelf na pinagawa ko sa karpintero naming dito sa seminaryo. At bilang pasasalamat binigyan ko sya ng 200 pesos ata. Ngumiti lang sya noong inabot ko ang pera na binalot ko pa ng coupon bond at tinadtad ng maraming staple wire. Baka magkagutay-gutay pa yung pera pag binuksan nya yun. Sayang naman pagganun. Mukhang napalayo ako sa National Bookstore ah. Ang Bookstore ang paborito kong tambayan. Nagkahilig ako magbasa noong nagtapos ako ng kolehiyo. Nakakapagpatalas daw ng isip ang pagbasa ng libro at pinapalawak ang kaalam. Kung mahina ka sa grammar natutulungan ka din. Sabi nga ng isang pari sa akin yung nanay nya dati hindi marunong mag-english pero pinilit magbasa ng English kahit di maintindihan. Kinalaunan kaya na daw nya mag-english. Di naman sinabi sa akin kung tama yung English. Yun nga, pero ang problema ko medyo madami na ako nabasang libro pero di pa rin makabuo ng tama at magandang pangungusap sa English. Siguro kailangan ko pa magbasa ng medyo maraming libro. Depende siguro sa libro at depende rin sa nagbabasa. Dahil sale ang mga foreign books na gawa ng foreign authors, ito ang mga binibili ko.

May pinagbibilhan din ako ng murang libro. Sa John Paul I Biblical Center malapit dito sa loob ng seminaryo. Ang mga libro ay galing sa mga Claretians. 50 pesos makakabili ka na ng dekalidad na libro at magaling na author. Ayan napunta tuloy ako sa ibang Bookstore. Pangarap kong bilhin lahat ng murang libro sa National Bookstore kaso di ko naman lahat mababasa kasi may mga subject naman ako dapat din pagtuonan ng pansin. At madami na rin kasi akong nabili na naging tambay lang sa lalagyan ng libro. Pero di ako nawawalan ng pag-asa na mababasa ko rin at makapagkwentuhan kami. Tulad ng una kung nabiling philosophy book na medyo makapal. Ang sophie’s world na gawa ni Jostein Gaarder ay binili ko noong second year college ako pero nasa 4th year na ako nung natapos ko yun. Naging paborito ko syang author kahit di ko pa nababasa ang libro nya. Nabasa ko yung libro pero di ko masyado naintindihan. Basta ang natatandaan ko si sophie ay gawa-gawa lang ng mas malaking kaisipan. Di pa ako sigurado sa natatandaan ko. Mali talaga, wala ako naintindihan. Gusto ko nga uli basahin yun kaso nawawala na, pinahiram ko ata sa isang kaibigan. Nawala din ata ng pinagpahiraman ko. Kailangan ko na ata ng glutaphos. Sa ngaun dalawa pa lang ang libro na gawa nya ang nababasa ko. Yung isa e yung vita brevis. Sa vita brevis ako nag-enjoy kasi interesting yung librong yun. Basta, masaya…Basahin nyo na lang yun. Masaya. Ayan tuloy talagang napalayo na ako sa National Bookstore.

Isang pangyayari na naganap sa National Bookstore ang hindi ko makakalimutan. Minsan naghahanap ako ng murang libro. Below 100 pesos lang budget ko. May napansin ako papaakyat sa floor na kinalalagyan ko. Dalawa ang floors ng National Bookstore na kinalalagyan ko. Mga mapuputi at maliliit ang mga mata ang papaakyat. Isa lang ang lalake sa kanila. Oo, isa lang ata. Ah basta may mga mapuputi at maliliit ang mga mata ang umakyat. May napansin ako sa kanila. Napansin ko ang kaseksihan nila. Hindi!! Hindi pala yun ang napansin ko. Napansin ko na may dala silang bag. Diba may baggage counter para ilagay ang mga bag na ito? Tumingin ako sa mga taong nasa paligid ko wala naman silang bag. Siguro wala lang talaga. Pero yung iba may hawak-hawak na malaking plastic na kulay puti at pula na may numero. Palataandaan na may baggage counter at may gamit silang ideniposito. Inisip ko, mapuputi at maliliit lang ba ang pwedeng magdala ng bag or gamit sa loob ng National Bookstore? Bakit ang mga maiitim ang siko kahit payong di pwedeng dalhin sa loob? Ang sitwasyon na nasaksihan ko ay isang mukha ng lipunang ito. Ang pinoy walang tiwala sa kapwa pinoy. Sabi nila dahil daw sa “crab mentality.” Hindi naman tayo crab di ba? Crab ka ba?

No comments: