August 22nd, 2008
Bago ako magsulat nagbabasa muna ako ng kung anu-anung libro, magazine etc. at e-mail pa pala. Manonood muna din ng movie at makikinig din sa radio kahit hindi na ito uso (kahit pala wala naman ako nito). Ginagawa ko ito para hindi ulitin ang mga sinabi nila kundi para isulat ang mga naiisip ko noong binabasa, pinapanood at naririnig ko ang mga ito. Pinabasa ko pala yung mga sinulat ko sa blog ko sa isang dalubhasa. Di ko alam kung pinanood lang niya ito. Sabi niya sa akin, okay naman daw ang mga sinulat ko. Ngunit, (naku bakit may ngunit?) dapat magsulat ka sa English. Ha? Bakit naman po sa English? Pwedeng Ilocano na lang? Kasi hindi lahat nakakaintindi ng Tagalog! Hahaha! Ma’am naman, hindi din po naman lahat e nakakaintindi ng English. Pero hindi ko ito sinabi sa kanya. Naisip ko lang. Siguro tama siya, anu? Anu ba ang point nya? (talagang may scoring pa dito) Limitado kasi ang makakabasa. Yun lang nakakaintindi ng Tagalog. Sino sila? Penoy! Pinoy! Mga Astig! Sila lang naman. Hindi nga po din ako makasigurado kung matutuwa yung Filipino titser ko dati sa paggamit ko ng salitang ito. Kasi madaming mali-mali at hindi maintindihan. Hindi ko naman po kasi alam gamitin ang “Datapwa’t” at “sa makatuwid.” Tama ba? Mali? Atsaka dyahe naman kasi gamitin ang mga ito kasi pinag-iwanan na ng lolo kong ilokano. Tinanggap ko ang payo ng titser pero hindi ko ginawa. Nagsulat pa rin ako kahit medyo dismayado sa mata ng dalubhasa. Iisa nga lang daw age bracket ng audience ko kung mayroon man. Mga kabataan lang daw. Wow! Sila ba? Wala naman ata nagbabasa. Pabasa mo text message na green tanggap nila. Ang alam ko kasing nagbabasa ng mga sinulat ko ay yung mga taong pinilit ko. Nananakot kasi ako. Pero sa totoo, nagmamakaawa ako sa mga kaibigan ko na basahin nila ang mga gawa ko. May isa sa mga kaibigan ko (x pala) ang lagi kong pinipilit ang di nakatiis. Mga sampung beses ko na kasi siya kinukulit eh. Sa wakas pinagbigyan din ako. Pinilit ko din mag-comment pero wala siya inilagay. Nag-message na lang siya sa friendster ko. Hindi ko alam kung kritiko siya pero ang alam ko titser siya. Hindi daw dapat “bunganga” ang ginamit ko dapat daw e “bibig” sa sinulat kung Utot ng Bungangang Kanal. Medyo hindi ko tinanggap ang pagtatama niya sa paggamit ko kasi mas mainam sa akin ang bunganga kaysa bibig at mas astig kasing pakinggan, este basahin pala.
Tulad mo, alam kong napilitan ka din basahin ito. Hindi ko alam kung anu nagtulak din sa iyo na pagtiyagaan ito at pag-aksayahan ng oras. Pero salamat. Maraming salamat. Minsan nagdrama ako (nagtraining kasi ako dati sa teatro) para kumbinsihin na magbasa at ipabasa sa iba ang gawa ko. Sabi ko na hindi na ako magsusulat pa kasi wala naman bumabasa at bale wala lang naman din yung pagod ko. Kumagat naman siya sa paing ko. Naku! Dapat huwag kang tumigil. Sayang ang mga gawa mo kasi ang galing galing mo. Dapat gawa ka pa ng iba. Ipagpatuloy mo yan. Hindi ko pinahalata na lumalaki na pala ang tenga ko sa sinasabi niya. At hindi ko rin pala nahalata na binobola pala ako. Sinabi kasing ipapakalat niya ito, ipapabasa sa mga kaibigan at bibigyan pa ako ng mga comments pero ilang buwan na ang nakalipas? Wala pa ring comment. Ganun lang siguro ang mga manunulat (manunulat na ba ako?) masyadong tiwala sa mga mambabasa niya. Sa comments kasi ako nagbabase kung may bumabasa sa mga sinulat ko at kung may naintindihan sila. Natuwa nga ako sa mga comments na naresib ko pero hindi ako natuwa sa mga sinabi ng iba kasi (parang) wala naman sila naintindihan. Malayo ang comment sa sinasabi ko. O ako ang malayo sa mga mambabasa?
Naniniwala akong hindi pala talaga nahihiwalay ang pagsusulat sa pagbabasa. Nanay ko noon ang nag-encourage sa akin na magbasa ng magbasa. Madami kasi kami libro noon sa bahay. Pati pala ngayon. Nabubura na nga ang mga tinta sa sobrang luma at napupunit na din kapag maglilipat ka na ng pahina. Natatandaan ko pa noong binuklat ko ang isa naming libro na galing sa parish school malapit sa amin na nasara dahil sa hindi ko alam na kadahilanan. (tatanungin ko pa sa nanay ko kung bakit iyon nasara) Pagbukas ko, namangha ako sa nakita ko! (hindi ko alam kung anu iniisip mo na nakita ko) kasi ang gaganda. Ang gaganda kasi ng mga font ng mga libro noon. Madaming arko. Pero nalungkot din ako agad kasi mga letra lang ang kaya kong basahin. Hinanap ko ang nagsabi sa akin na magbasa ako pero nawala naman na siya. Kaya tinapos ko na lang yung libro kasama ang kapatid ko. Sa akin ang kanang pahina, sa kanya ang sa kaliwa. Kung ilan ang tao na makita namin sa pahina namin ang siya naman bilang ng “pitik” sa kamay. Maswerte ako kasi mas madami ang mga tao sa parte ko. Nabuklat ko na kasi iyon bago ko tinawag ang kapatid ko na maglaro.
Iniisip ko lang minsan. Kung tinuruan kaya ako ng nanay ko siguradong walang binatbat ang mga kaklase ko noon. Hindi pa ako tinuruan pero medyo pumapantay na ang utak ko sa utak nila. Minsan nga nakakalamang ako. (sana hindi mahalatang nagyayabang lang ako) Hindi din siguro dapat sisihin ang nanay ko (pero sinisi ko na ata) kasi hindi naman siya ako. Natamad kasi ako. Nawalan ng gana at tiwala sa sarili. Naubosan ng pasensya, tiyaga at nilaga. Na-dislocate din kasi ata ang mga brain cells ko. At mas pinagtuonan ko kasi ng pansin ang hindi naman dapat pagtuonan ng pansit. Tulad ngayon, nagsusulat ako pero may kailangan pa pala ako tapusin na importanteng requirements na maaring maghubog sa mas magandang pagkatao ko. Si Stephen Covey ata yung nagsabi na “Put first, things first?” Know your priority ata ibig sabihin. I’m not sure.
Marami ang sinasabi ng mga taong napilit kong magbasa sa gawa ko. Nakakatuwa daw. Nasasalamin daw ang pagkatao ko sa sinulat ko. Sabi din nila parang little Bob Ong daw ako. Ayuko sana aminin pero kay Uncle Bob ako nagmana. Sana hindi niya ako itakwil. Salamat pala Uncle. Sa iyo ako nakakuha ng inspirasyon para isulat ang aking mga saloobin. Kumuha ako ng (ball)pen at papel at nagsulat. Ginawa ko yung payo mo. May nasuka din pala sa mga sinulat ko. Marami din ang namangha. Hindi aakalahin na makakagawa ako ng ganito. Na kaya ko pala magsulat. May nagtanung din kung saan ko ito kinopya. Naalala ko tuloy yung titser ko sa research technique. Nanggagaya din daw ako. Sa totoo lang talagang ginaya ko. Upakan ko sana yung nagsabi pero hindi na lang kasi nasa Pinas naman ako. Hindi lang niya siguro maintindihan na uso ang pamimirata. Nagagalit siguro kasi nakikita niya sarili niya sa akin.
No comments:
Post a Comment