Friday, October 31, 2008

Buhay Patay

January 28th, 2008

“Trapik na naman!” Bwisit bakit may trapik?! Baka po pista ng bayan? O di kaya naman po eh may nagkabanggaan? Baka may nasiraan ng sasakyan? Baka naman po ginagawa ang daan? Baka may bumagsak na poste sa kalsada? Baka po may dumaang mga baka, kambing o sawa? O baka po may traffic enforcer? Baka po gutom mga highway patrol? Pero eto matinding rason, Baka po may patay na ililibing? Po? Patay? A cause of traffic? Anu ba naman yan patay na nga nang-iistorbo pa!

Minsan nakakatuwa mga ginagawa natin sa mga patay o di kaya pag-ililibing na. Let us be clear, nakakatuwa po ang ginagawa sa patay hindi po nakakatuwa na may patay. Clear na po? Salamat kung ganun. Madami tayo ginagawa pero ang mga sasabihin ko eh aking mga nakikita, gawa gawa at mga pakulo. Kaya kung di kayo naniniwala eh ok lang. Pero sana naman eh paniwalaan nyo ako. First, kapag may patay may parada. Sa parada dun mo makikilala kung sino, anu ang ililibing. Kapag mahirap ang namatay kunti lang tao, bakit? Kasi kunti nga eh. Kapag mayaman may marching band yan. Complete uniform. Ang matindi jan may majorette pa! hehehe!!! Saya noh? Tas todo smile mga yan, sexy pa. Ang saya siguro nung namatay noh? Love nyo talaga ako! Sisigaw pa yan ng ganyan. Yung ibang mayaman nakakabayo. Ops! I mean nakakarawahe, hinihila lang ng kabayo. Naks naman! Sweet naman ng relatives ng patay. Sana ako na lang. Ah eh ibig ko po sabihin nakasakay na din ako pero sa kalesa hindi sa kabayo. Madami din tao kapag mayaman ang namatay. Bakit? Hindi dahil mas mahal nila ito, karamihan ng rason eh dahil may narinig silang sumigaw na baka, baboy, kambing, o di kaya eh manok (yung manok dinagdag ko lang pamparami) bago ang libing. Sarap naman ng ulam ng patay (este sarap naman ng inihandang ulam para sa mga nakiramay). Pero baka mamatay din ang patay kasi madaming mantika ang ulam, ma-high blood pa. Eto pa nakakatuwa sa parada. Alam nyo kung bakit matrapik? Kasi naglalakad mga tao. Tas tignan mo mga sasakyang sumusunod sa kanila walang laman (may driver pala). Ayon sa isang pari kaya daw lumalakad ang tao sa paglilibing eh dahil wala daw sasakyan noon. Pero tignan mo may sasakyan na madami pa rin ang naglalakad. Kaya nga imbes na ipagdasal ng mga taong natrapik ng patay eh mumurahin pa. Wawa naman, siya tuloy pinag-initan ng ulo. Di naman siya ang may pakana ng parada. Pagkatapos ng libing pabilisan sa pag-akyat sa saksakyan mga nakilibing kasi kailangan makapunta agad sa reception, hirap na baka maubusan ka pa. Sa reception, yung iba pagkatapos kumain may bitbit pa sa pag-uwi. Ok ah may take home. Double treat.

Pero alam nyo… eto na naman ako… di ko pa pala nasasabi kaya di nyo pa alam (gasgas na to). Bilib ako sa mga patay. Ang pari hirap sa pagkukumbinsi ng mga taong makikimisa lalo na ang mga kalalakihan. Pero tignan mo ang patay kahit mason kaya nyang palapitin sa simbahan. Palapitin lang? Oo! Palapitin kasi karamihan ng mga lalake eh sa labas lang nakatambay. Di yan papasok sa loob. Tas magkukwentuhan mga yan, topic? Kung anu anu pero ang main topic eh tungkol sa namatay. Ikukwento ang mga kabutihang nagawa nya. Kaya dun mo malalaman na ubod pala ng bait yung namatay. Habang nagsesermon ang pari sabay din sila sa kwentuhan. Di naman lahat eh talagang mabuti ang sasabihin. Kapag mabuti yung sasabihin ng pari, my side comments mga yan. Salungat sa sinabi ng pari. Kasi mas kilala ng mga ‘to yung namatay kaysa sa pari. Kaya kapag gusto mo malaman ang katotohan sa likod ka. Pero ayun sa nabasa ko, (im not sure if nabasa ko nga ito or gawa gawa ko lang) “It is not wise or prudent to speak ill of the dead.” Oo nga naman noh?! Hindi na maipagtatanggol ng patay ang sarili nya. Kaya parang “a sign of respect” na lang yung pagsabi mo ng mabubuti kahit alam mong wala naman siyang ganun. Matatakot ka din naman kung minsan kasi baka multuhin ka pa.

May kwento sa amin ang isang professor namin na pari. Feeling ko gawa gawa lang nya to. Feeling ko lang pero parang totoo eh. Eto ikukwento ko na kaya makinig ka na. Basahin mo na pala. May misa daw siya ng patay, nasa part na daw siya na ibebles nya ito ng holy water kaya lumapit sya sa kabaong. Tinignan daw nya yung patay tas bigla na lang daw sya tumakbo sa sacristy. Tas tumawa sya. Ha? Tumawa? Anu nakakatawa sa patay? Sabi nya sa amin naka-shades daw kasi yung patay. Ah kaya pala! Pero nakakatawa ba yun? Natawa ka ba? Siguro nga nakakatawa. Pero sosyal nung patay noh? Minsan din karamihan ng mga patay eh ngaun lang sila nakatikim ng bagong damit kung kailan wala na silang hininga. Ngayon lang sila magsusuot ng bagong barong atsaka black pants, sa mga babae eh blouse ata. Ngayon nga din sila nakatikim ng make-up, pumada, lipstick, foundation at kung anu anu pa. Ngayon nga din sila makakahiga sa malambot at mamahaling higaan. Atsaka pala, muntik ko na nakalimutan, may bago din siyang sapatos. Pero di naman nila ito isusuot. Sa pagkakaalam ko di bago yung sapatos. Yung iba nga babaonan ng pera. Bakit sa eskwela ba sila pupunta? Sa sementeryo naman ah! Baka naman para may pamasahe sya papuntang langit. Kaya pala madami ang nagpapayaman at mga ayaw magbigay ang karamihan ng mga mayayaman kasi kailangan pala ng pera kapag patay ka na. Eh panu kaya yung mahihirap? Di na ba sila makakapunta? Hay patay na nga pera pa ang nasa isip. Alam ko di na kailangan ng pera, gawa gawa lang ng mga matatanda ang ritual na ganito. Pampabongga! Pero hindi naman lahat ng panahon eh dehado ang mahihirap. Ayun sa nakalap ko, punit daw sa may parteng likuran ang damit ng mga patay, mahirap man o mayaman. Totoo ba to? Wow! Ok ah fair ang laban! Kaya kahit luma or bago ang damit ok pa rin kasi pupunitin din naman. Hirap kasi ata isuot sa patay kapag di nila ito ginawa. Ganun ba talaga yun? Hay di ko alam di naman ako inbalmer eh! Wala pa naman me nakausap na ganun. Yung nagsabi sa akin eh baka gawa gawa lang niya para ma-impress ako sa kanya. May sugal pa pala sa may patay. It is a must to have it, why? Kasi walang makikiramay sayo. Magiging kawawa ka pa. Atsaka ok din naman sa mga naiwan mo ang pagsusugal kasi may dagdag kita pa sila. Eto suggestion ko lang, gawa kayo (sila pala) ng karatula papasok sa lamay: “We love flowers but we need cash.” Oh di ba astig to the max!

May tanung ako sayo, kung ikaw yung patay matutuwa ka ba sa mga pinaggagawa ng mga buhay sa buhay mo? Sa bangkay mo pala, SAYO pala? Ako na lang sasagot. Kapag ako yung patay babalikan ko kayo. Bakit naman po? Aba kayo pa may ganang magtanung!!! Ako dapat magtanung!!! Bakit ngayon lang ninyo ako hinarana? May majorette pa. Alam nyo bang gustong gusto ko ang banda? Bakit ngayon lang ninyo ako binihisan? Make-up? Binigyan ng bagong sapatos? Pantalon, Shades!? Bakit? Bakit ngayon lang ako nakasakay ng karawahe? Bakit ngayon lang ninyo ako kinatayan ng baka, baboy, kambing at manok? Ngayon di ko na matitikman ang sinanglao, kaldereta, dinuguan at pinikpikan? Bakit ngayon mo lang ako sinabayang lumakad? Bakit ngayon lang? Bakit wala ka noong kailangan ko ng kasama, karamay at kakwentohan? Bakit ngayon lang ako nagkaroon ng magandang tulugan? Bakit ngayon lang ninyo ako binigyan ng pera? Aanhin ko yan? Bakit ngayon lang ninyo sinabing mabuti akong tao? Bakit ngayon lang ninyo ako MINAHAL?

Kaya siguro may nagmumulto noh kasi kung anu anu pinaggagawa natin sa mga pumanaw na. Mga bagay na wala namang kabuhulan at pakinabang. Hoy!!! sino yang nasa likod mo?!!! Multo!!!

No comments: