Friday, October 31, 2008

Master of None

December 23rd, 2007

Medyo madami ako gustong gawin sa buhay. Hilig ko kumanta. Pangarap ko nga dinmaging singer (yung kumakanta po sa TV, hindi po yung brand name ng pantahi).Kung gaano ako kagana sa pagkanta eh siya namang kainit ng ulo sa akin ng kanta.May kasabihan ata na ganito: “Mahilig kumanta hindi naman mahilig sa kanya ang kanta!” Mukhang ako pinapatamaan ng kasabihang ito ah. Naalala ko tuloy noong nasa kolehiyo pa lang ko. Buong komunidad ng San Pablo Seminary inaawit ang isang hymn para sa Liturgy of the Hours namin. Ramdam na ramdam ko ang awiting yun tulad ng sinungaling ad sa TV na ramdam na ramdam na daw ang ginhawa sa pamumuno ni madam toinks! Carried away ako sa kinakanta namin at may part na malakas kaya nilakasan ko din. Tuloy ang pagkanta ng mga seminarista pero lahat na ng mga mata nakatotok na sa akin. Yung iba galit na galit at straight na ang kilay. Kumikislap naman yung iba, pinagtatawanan nila ako. Bakit anu kaya nangyari? Hindi ko pala naabot ang tono. Shocks! Nakakahiya! Kaya mula noon nabura na ang pangarap ko na makaduet si Sarah Geronimo. Kung bakit si Sarah ang gusto ko? hindi ko rin alam. Basta siya ang naisip ko.

Nagconcert ang seminaryo dito sa Vigan. Paraiso ang pamagat, a concert for creation. Dahil konsierto ito siguradong hindi ako kasali sa mga performers.
(what do you expect?) Performer pala ako, pumapasok sa stage kapag madilim.
Kami yung mga taga lagay ng mga bituin, punong kahoy, dahon, araw, ulap, buwan at damo sa stage. Kami yung mga tinatawag nilang propsmen, stage crew at sa mas pinagandang salita kami yung mga stage managers! Oh! Astig noh!? Managers! Nakaitim din kami para di kami mahalata pero hindi maitim ang budhi (joke ba to?!). Sa second day ng concert namin (3 days kasi yun) at natapos na ang huling show sa araw na yun (dalawa ang show sa isang araw, 3pm at 6pm) lumabas ako at nagpunta sa harapan. Biglang may nakakita sa akin, “tita ayun si Rosmel oh!” Lumapit ako sa kanila at nilapitan din ako. Nagmano ako at sabi ni “tita”: Uy Rosmel ang galing galing mong kumanta! Po? Ako? Magaling kumanta? Talaga po? Ngumiti lang sya. Pagkatapos ng pangyayaring yun anu sa akala nyo iniisip ko? Insulto ba yun or talagang joke lang? Sa totoo lang hindi ko alam kung anu ang iniisip nya noong sinabi yun sa akin. Pero ang naisip ko sa sinabi nya, para sa kanya gumanda ang kosierto dahil sa mga ginagawa ng bawat tao na kasali sa konsierto. Parang isang tao na may kanya kanyang partes ang katawan at may kanya kanyang kakayahan. Dahil sa pagtutulungan at paggawa ng responsibidad sa naganap na konsierto naging maganda ang kinalabasan. Dahil doon lahat kami ay umawit, naging magagaling na mang-aawit.

Totoo ba yung sabi nilang nakatulog daw ako noong nagbigay ng talento sa pagkanta ang Diyos? Kung totoo man ito, bakit hindi ninyo ako ginising?! Ito din ang karamihan na rason ng madaming pinagkaitan (daw) ng kakayahan. Kaya pala madami ang antokin kahit sa loob ng opisina. Kaya pala mabagal ang serbisyo kasi tulog lang ang alam. Paano kaya kung tama ang tanung ng isang kanta: “Natutulog ba ang Diyos?” Kung totoo nga ito. Hindi ako naniniwala dahil lahat pwede natin gawin. Dahil ang tao ay kawangis ng Diyos. Hindi din ako naniniwalang pagkapanganak ni Josh Groban eh kumakanta na. Sigurado ako umiyak yun paglabas sa tiyan ng ina. At nagsanay siya ng husto. Kailangan lang natin gisingin ang mga natutulog na mga kakayahan at kailangan natin tulungan ang bawat isa na gumising.

Hoy gising!
Bangon ka na!!!

No comments: