September 7th, 2008
“Huwag mong tularan si tatay. Tularan mo ang mga kabutihan na ginawa niya kung mayroon man” sabi ko sa nakababatang kapatid ko.
Mag-aasawa na kasi siya sa kadahilanang nabuntis niya ang kanyang kasintahan. Hindi ko masisisi ang kapatid ko. Alam kong kagustuhan din niya ang nangyari dahil noon pa man ay sinasabi na niya sa amin na gusto na niyang mag-asawa ngunit lagi kong sinasabi na huwag muna.
“Oo kuya, salamat at naiintindihan mo ako” ang tugon sa akin ng kapatid ko.
Ayaw ko man isipin pero naaawa ako. Wala siyang trabaho at hindi pa niya masyadong na-enjoy ang pagiging binata. Maaring hindi maganda ang kalalabasan tulad ng mga kaibigan kong maaga din nag-asawa kasi nabuntis kasi sila. Pagkaraan ng isa o dalawang taon ay naghihiwalay na. Maiisip na lang nila pagkagising nila na hindi pala nila mahal ang katabi nila. Maaring sisihin ang magulang na nagtutulak sa kanila na magpakasal dahil sa kahihiyang dulot nito sa pamilya.
“Ading, maghanap ka ng trabaho mo. Huwag kang papaasa sa mga magulang natin. Magkakapamilya ka na. Hindi ka na binata kaya huwag mo na gagawin ang mga bagay na gawain lang ng mga walang asawa.” Sabi ko sa kapatid ko habang hinahatid ko sila para maghintay ng sasakyan pauwi sa bahay ng asawa niya.
“Oo kuya, naghahanap naman ako ng trabaho.”
Nanahimik ako sa sagot niya.
Pagkaraan ng ilang minuto.
“Kuya, tignan mo si papang ha? ‘Kaw na bahala sa kanya kuya. Sabihin mo huwag na siya iinum kasi nakakasama sa kanya iyon kuya.”
Napatigil ako. May katahimikan at kaguluhan sa loob ko at medyo natutulala ako. Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. Nagpaalam na lang ako noong may sasakyan na. Napaisip ako ng malalim. Sa dinamidami ng sasabihin sa akin ng kapatid bakit yoon pa ang sinabi niya. Hindi ba siya nag-aalaa sa pamilyang bubuuin niya? Bakit ang tatay pa namin ang inaalala niya?
“Tatay tama na po!” umiiyak na tugon ng panganay naming kapatid habang pinapalo siya ng tatay ko.
“Hindi kita anak! Ang tigas tigas ng ulo mo!” nangangalit na sigaw ng tatay ko.
Wala akong magawa habang binubugbog ng tatay ko ang kapatid ko. Wala din magawa ang nanay ko kasi takot din siya sa tatay ko. Hindi ko alam kung anu ang nararamdaman ko habang nangyayari ito. Gusto ko siyang pigilan pero anung magagawa ng musmus na tulad ko. Baka ako pa ang pagbalingan ng galit ng tatay ko. Nabuo ang takot, galit at pagkamunghi.
“Nakasakay na ba sila?” tanung sa akin ni tatay pagdating ko sa bahay.
“Opo tay.”
“Yung asawa ng kapatid mo hindi naman maaga kung gumising para sana maglalakad-lakad para makapag-exercise.” Sambit agad ni tatay.
Biglang sumulpot si nanay.
“Paano makakagising ng maaga yoon e pinupuyat mo naman. Hindi ka naman nagpakatulog kagabi. Alas-dose na nagsasalita ka pa at ang lakas lakas pa. Ganyan ka naman lagi pag lasing!”
Napangiti lang ako sa sinabi ng nanay ko habang nakatigtig siya sa tatay ko.
Ayaw ko sana sumapaw pero nandun na rin kasi ang topiko.
“Tatay, bakit po kayo naglalasing? Tumingin sa akin ang tatay ko habang humihiling.
“Matagal ko na pong tinatanung sa inyo ito. Hindi pa rin ninyo ako sinasagot.”
“Ang pag-iinum ko…” putol na sagot ni tatay.
“Sabihin niyo naman po para maintindihan ko po kayo. Para maintindihan namin kung bakit gabi-gabi na lang e inum ang inaatupag niyo. Sabi niyo sa akin noon pang-alis ng pagod. Uminum ako. Hindi naman po tay! Nakakapagod naman!” medyo pataas na ang boses ko.
“Pag-umiinum naman ako wala naman ako ginagawang masama ah. Dito lang naman ako sa bahay.”
“Alam ko yun tay, ang tinatanung ko po kung bakit kailangan ninyo uminum? E nakakasama naman po sa kalusugan ninyo ang ginagawa niyo ah! Tignan niyo hindi pa rin gumagaling yang sugat niyo. Ang payat payat na nga ninyo e! Bakit anu ba problema niyo?! May problema kayo sa pera? Kung yun ang problema niyo lalabas muna ako at magtatrabaho!”
“Hindi yun anak,” malumanay na sagot ni tatay.
“E anu?!!” tanung ko, “alam mo tatay isa lang naman ang hiling namin sa inyo e huwag ka na uminum. Hindi namin kailangan ang pera mo. Kailangan ka namin.”
Biglang tumulo ang luha ng tatay ko. “Alam mo ba tay kung ano sabi sa akin ng kapatid ko bago siya umuwi? Tignan ko daw po kayo. Na sana po huwag na kayong iinum. Tignan mo tay, aalis na si Ading pero kaw pa rin ang iniisip niya. Mahal ka namin tay!”
Medyo basa na rin ang mga mata ni nanay habang tinititigan niya si tatay.
May nakakabinging katahimikan bago nagsalita uli si tatay.
“Kung yun ang hiling niyo, gagawin ko.” tugon ni tatay habang pinupunas niya ang kanyang mga luha.
“Tay, naniniwala ka ba sa mga sinasabi mo? Madali kasi magsalita.”
“Oo, anak.”
“Sana nga po…”
May nakakabinging katahimikan. Pagkaraan ng ilang sandali. Nagtayuan na kami at isa isang umalis sa hapag kainan. Nagliligpit na si nanay sa mga pinagkainan. Binuksan naman ni tatay ang tv. Habang palabas naman ako para magpahangin sa may harapan ng bahay.
“Kumusta na kaya ang mga kapatid ko?” tanung ko sa aking sarili.
Sagutin kung gusto:
1. Anu ang “nakakabinging katahimikan” sa kwento? Anung gusto mong pamagat ng kwento? Bakit?
2. Bakit seryoso ngayon ang nagsulat?
3. Anu ang feeling ng nagsasalaysay sa unang bahagi ng kwento? Ipaliwanag.
4. Nag-iba ba ang feeling ng nagsasalaysay sa katapusan ng kwento? Bakit?
5. Anu sa palagay mo kung bakit ang tatay pa rin nila ang iniisip sa kabila ng pagiging lasenggo at marahas?
6. Naniniwala ka bang nangyari sa totoong buhay ang kwento? Kung ‘hindi’ bakit? At kung ‘oo’ bakit din?
7. Sa iyong palagay matutupad kaya ng tatay nila ang sinabing hindi na siya iinum? Bakit hindi? Anu sa palagay mo ang problema ng tatay? Ng Anak?
8. Kung hindi nito matutupad, anu ang maaring gawin? At hindi maaring gawin?
9. Nagustuhan mo ba yung pagsagot at pag-uugali ng tatay sa kwento? Bakit?
10. Anu sa palagay mo ang dapat na ending ng kwento?
11. Bakit kinukumusta ng nagsasalaysay ang mga kapatid sa katapusan?
12. Anu pang maaring itanung maliban sa mga tanung ko?
13. Bakit ang dami ng tanung e ang ikli naman ng kwento?