Thursday, December 18, 2008
ZOLA
Tinanong ko ang kasama ko. “Oo, mga ‘night people’ mga yan and parents talaga mga nasa harap ko,” sabi sa akin. Pero biglang nawala ang pinag-uusapan namin noong dumating ang waiter na kukuha sa order namin. Kapansin pansin kasi ang ganda niya at halos hindi ako makapagsalita noong tinanung ako ng kasama ko kung anu ang order ko. Napangiti na lang ako kaya siya na lang nag-order para sa akin. Sabi ko sa aking sarili bakit kaya siya andito. Oo, obvious na nagtatrabaho pero bakit ang ganda niya. Nagulohan talaga ako noong nakita ko siya. Kaya pinabalik ko siya at nag-order kami uli. Sa pagkakataon na ito nabigyan ako ng lakas ng loob para tanungin ang pangalan niya. Pero ang sinabi ko tinatanung ng kasama ko. Napatawa siya kasi babae naman ang kaibigan ko kaya alam kung alam na ako talaga ang gustong kumilala sa kanya. Sinagot agad ang tanung ko kasabay ang napakatamis na ngiti. Maia ang pangalan niya. Mula noon may rason na ako para bumalik sa kainan na ito. Oo masarap ang pagkain, affordable pero mas may higit na dahilan na ang pagpunta ko sa resto na ito- ang makita siya.
Kape ang lagi kong inoorder. Bottomless kasi ang kape nila. Naging regular customer ako sa kainan na ito. At habang tumatagal mas lalong nakilala ko ang mga pumapasok sa kainan na ito. Sila ang may mga pangarap sa buhay. Ang mga kabataang naghahangad na makamit ang mga pangarap sa buhay kaya kahit dis oras ng gabi sila magtrabaho okay lang para sa kanila. Nakikita ko ang pagod sa kanilang mga mata. Nakikita ko ang determinasyon kahit sa hirap na nararanasan nila. Pero may mga hindi rin makatayo sa hirap na ito kaya dinadaan na lang nila sa pag-iinum. Nakikita ko din ang mga hirap ng magulang. Nagtitiis sila para lang mapag-aral nila ang kanilang mga anak. Karamihan sa kanila maganda ang mga suot pero pansin kong hindi ito mga bago. Sabi ko sa aking sarili magbubunga din ang kanilang sakripisyo.
Pagpasok ko pa lang alam na nila kong anu ang order ko at kung sino dapat ang kukuha. Lagging nakangiti sa akin ang mga kasama ni Maia. Alam siguro nila na hindi dahil sa kape ako nagpupunta doon kundi dahil kay Maia. Medyo matagal tagal na akong nagpupunta dito pero pangalan pa rin ang alam ko sa kanya. Ni hindi ko makuha kuha ang cell number niya. Sabi ko sa aking sarili ngayon lang ako naturpe sa tana ng buhay ko. Alam kong nararamdaman niya kung anu nararamdaman ko para sa kanya. Kasama ko uli ang kaibigan ko na nagbreakfast. Kinakantiyawan ako kasi napansin niyang at home na ako sa resto. Sa pagkakataon na ito nabigyan uli ako ng lakas ng loob para kausapin siya. Tinanong ko kung may boyfriend na siya. Para akong nabingi pagkatapos kong malaman ang sagot. Nanikip ang dibdib ko. Kaya kahit hindi pa kami tapos kumain niyaya ko ng umalis ang kaibigan ko. Pagkatapos ng pangyayaring iyon hindi na ako bumalik sa resto na iyon.
Magdadalawang buwan na akong hindi na nagpupunta sa Zola. Nakapila ako sa bus station noong may lumapit sa akin na lalake. Hindi ko siya kilala pero parang matagal na niya akong kilala. Nagpakilala siyang nagtatrabaho sa Zola at tinanung sa akin kung bakit hindi na ako nagpupunta doon. Sinabi ko na lang na medyo busy ako sa trabaho kaya nawalan na ako ng oras para pumunta sa kainan. Sinabi ko rin na inasign kasi ako sa main office. Hindi ako nagtanong pero binuksan ang topiko tungkol kay Maia. Sinabi sa akin na nagresign na pala si Maia sa resto. At sinabi sa akin ang habang buhay na pagsisisihan ko. Mag-aasawa na pala siya. Isang matandang mayaman na galling sa Hawaii ang mapapangasawa niya. Sinbi sa akin na napilitan lang daw si Maia na tanggapin ang alok na iyon dahil sa nangyari sa kanilang pamilya. Unang anak si Maia. Mayaman pala sila. Nasa gobyerna ang kanilang ama may mataas na katungkulan. May nakitang kalokohan kaya kumanta pero dahil malaking tao ang nakabangga siya ang talo. Naalis ang kanyang ama sa trabaho at nagkasakit dahil sa pag-iinum nito. Dahil siya ang panganay at wala naman trabaho ang kanyang ina, siya ang kailangan magsakripisyo. Tumigil siya sa pag-aaral para itaguyod ang pamilya. Ito ang karaniwang nangyayari sa mga panganay ng pamilyang Pilipino tuwing panahon ng krisis. Kaya pala siya napadpad sa kainan na iyon. Pagkatapos sabihin sa akin ang mga ito, may sulat pala para sa akin na iniwan si Maia. Nagsasalita pa siya pero tumakbo na ako agad. Iniwan ko ang kausap. Iniwan ko ang sasakyang magdadala sana sa akin sa mas mabuting kinabukasan.
Napansin ako agad ng isang waiter at inilabas ang isang sobre. Parang alam na nila kung ano ang pakay ko sa pagpunta doon. Dali-dali kong binuksan ang sobre at ito ang nilalaman:
Dear Iñigo,
Alam kong nagtataka ka kung bakit ko alam ang pangalan mo kahit hindi mo sinabi sa akin. Natatandaan mo ba noong nabayad ka? Credit Card ang kailangan pero ID mo naman ang iyong binigay. Natuwa ako sa iyo. Pero hindi ako natuwa noong hindi na kita nakikita. Nagsisisi ako noong biniro kita. Sa totoo lang wala akong bf. Biro lang sana iyon. Hindi ko alam na masasaktan ka. Nasaktan ako lalo na ng hindi na kita makita.
Siguro pag nabasa mo ito kasal na ako. Pumayag na ako sa alok sa akin ng isang matanda. Tinanggap ko hindi dahil mahal ko siya. Tinanggap ko dahil naghihirap kami. Nawalan na din kasi ako ng pag-asa sa buhay at ito na lang ang alam kong paraan para maiahon ang aking pamilya. Iñigo, kaw ang mahal ko. Kahit hindi mo sabihin sa akin, alam ko ang nasa puso mo. Pero siguro ito ang nakatakda sa atin.
Paalam.
Maia
Sunday, November 2, 2008
McArthur
SETYEMBRE. Umpisa na ng buwang ‘bre’ ang katapusan. Isang palatadaan na lalamig na ang simoy ng hangin at malapit na ang pasko. Pinakamasaya sa buhay ng Pinoy ang pasko. Sa kadahilanan siguro na madami ang regalo. Hindi dapat ang pasko ang pinakamahalaga sa buhay ng mga kristiyano. Iyon ang tinuro sa amin noong nag-aaral pa lang ako. Ang semana santa sana ang pinakamahalaga kasi tinubos tayo. Hindi ko alam pero siguro hindi masyadong naipamulat o naituro ng mabuti ang paniniwalang ito.
“Nod , anu ang iniisip mo?” tanong sa akin ng kasintahan ko. Nod ang tawag niya sa akin. Arnold ang totoo kong pangalan. Nod-nod tawag nila sa bahay. “Kanina ka pa hindi umiimik at malayo ang tingin mo.”
Tumingin ako sa kanya habang akap-akap ko siya. Ngumiti lang ako at tumingin uli ako sa malayo. Ngayon naman sa ulap na medyo maitim. Mukhang uulan ata sabi ko sa aking sarili.
“Siguro iniisip mo kung anu ireregalo mo sa akin sa pasko anu?” pabirong sabi sa akin. “okay na sa akin ang wedding ring.” Tumawa siya sabay halik sa pisngi ko.
Medyo matagal na rin kami ng kasintahan ko. Nasa ikalawang taon ako sa seminaryo noong nakilala ko siya. May pinsan kasi siya noon na nag-aaral din sa amin. Pinakilala ako at sa hindi malaman na kadahilanan eh nagkamabutihan kami. Masaya siyang kasama. Walang oras na hindi ako tatawa kapag kasama ko siya. Ang dami niyang kwento at minsan may mga korning jokes na ako lang ang nakakasikmurang tawanan. Hindi ko inakalang lalabas ako ng seminaryo ng dahil sa kanya. Ngunit dahil ba talaga sa kanya? Lagi kong tinatanung sa aking sarili. Pero masaya naman ako kapag kasama ko siya. Hindi ko naman pinagsisihan ang desisyon ko kahit medyo nagkalabuan kami ng pamilya ko dahil dito. Hindi kasi maintindihan ng magulang ko kung bakit bigla ko na lang naisip na hindi tumuloy sa theolohiya pagkatapos ko ng kolehiyo sa seminaryo. Ako kasi ang nagpumilit na pumasok noon sa seminaryo. Ayaw kasi nila at noong okay na sa kanila iyon naman yung oras na ayaw ko na. May magandang trabaho na ako ngayon at medyo nakakatulong naman ako sa mga kapatid pero palihim nga lang kasi ayaw kong malaman ng magulang ko.
“Lot, mahal mo ba talaga ako?” tanung ko sa kanya habang tinititigan ko siya sa kanyang mga mata. Maganda ang kanyang mata. Mapupungay ika nga nila. Lot tawag ko sa kanya. Charlotte ang kanyang tunay na pangalan. Lot-lot tawag sa kanya sa bahay nila.
“Oo naman. Bakit mo naman naitanung yan? Nagdududa ka ba sa akin?” malungkot na tanong niya sa akin.
Hindi ako umimik. Umiling lang ako pagkatapos ay tumayo ako sa kinauupuan namin sa gitna ng parke. Wala ako naisagot sa mga tanung niya. Walang boses na kayang lumabas sa bibig ko. Nag-umpisa na ako maglakad papalayo. Tumayo din siya at hinabol ako at hinawakan ang braso ko. Sa lakas ng kapit niya sa akin napaikot ako at nagkabanggaan ang aming mga katawan.
“Nod!”
“Anu sa tingin mo?! Lumabas ako ng seminaryo dahil sa iyo! Dahil mahal kita!” pasigaw na sumbat ko sa kanya. Iyon ang unang pagkakataon na sinigawan ko siya. Iyon din ang unang pagkakataon na tumulo ang luha niya sa harapan ko.
“Nod, mahal din naman kita a… Bakit ka ba nagkakaganyan? Hindi kita maintindihan…” paiyak na tugon niya sa akin. Napatigil ako. Magulo na talaga ang isip ko.
“Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Kailangan ko siguro ng space. Kailangan ko siguro isipin mabuti ito. Kailangan ko siguro lumayo muna sayo.”
“Nod, huwag mo gawin sa akin ito…” lalo siyang umiyak at sinubsob ang mukha niya sa dibdib ko. Hindi ako makagalaw. Ni hindi ko maitaas ang mga kamay ko para yakapin ko sana siya. Huminga ako ng malalim at buong tapang na itinaas ang aking mga kamay. Hinawakan ko ang kanyang mga pisngi at tinitigan ko ang kanyang mga mata.
“Lot, babalikan kita. Magulo lang talaga ang isip ko. Pangako ko sayo babalik ako. Okay?”
“Bakit kailangan mo pang lumayo?”
“Kailangan Lot. Para din sa atin ito kaya magtiwala ka sa akin. Pangako babalik ako.”
“Pangako mo yan ha?” nanginginig na tanong niya sa akin. At buong higpit na niyakap ako.
“Oo pangako” sabay ang pagbagsak ng malakas na ulan.
Iniwan ko siya mag-isa doon sa parke. Umalis ako na mabigat ang loob. Parang nakisabay na umiyak ang langit sa hinagpis na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung tama ang ginawa ko. Hindi ko alam kung makakabalik pa ako. Sabi nila ang pangako ay laging napapako. Natatakot akong maaring mangyari din sa akin ang hindi ko pagtupad ng pangako tulad ng pinangako ng tatay ko noon sa nanay ko na hindi na siya iinum. Nagtiwala ang nanay ko pero dalamput limang taon na ang nakalipas gabi-gabi pa rin nalalasing ang tatay ko. Ayaw kong matulad sa kanya. Ayaw kong saktan ang mahal ko. Iniwan ko siya, sinasaktan ko na ang mahal ko. Pero hindi ba mas lalo ko siyang masasaktan kapag kasama niya akong hindi naman buo ang puso’t isipan ko para sa kanya? Mas mainam nga siguro ang ginawa kong desisyon. Ito ang ikalawang pinakamalaking desisyon na nagawa ko sa buhay ko. Maaring masakit. Hindi lang pala maari kasi talagang napakasakit para sa akin ang desisyong ito. Noong nagdesisyon akong lisanin ang seminaryo para sa mahal ko ibinasura ko ang pinakaiingatan kong pangarap mula pa noong nasa elementarya palang ako. Pinangarap kong maging pari. Pinaglaban ko ang pangarap na ito dahil nga mahirap lang kami pero noong malapit ko na itong maabot tsaka naman ako nawalan ng gana, lakas ng loob at tiyaga. Lahat ng hirap na ginawa nila para sa akin para lang maabot ito ay parang bula na naglaho. Lahat dismayado sa akin. Sa katunayan, lumabas ako ng seminaryo hindi lang dahil kay Lot. Maaring isa siya sa mga dahilan. Pero tulad ng nararanasan ko noong kaguluhan sa loob ko ganun din ang nararanasan ko ngayon iniwan ko siya. Ako ang may problema. Hindi sila. Hindi ko maayos- ayos ang buhay ko. Magulo.
Iniwan ko din ang trabaho ko. Kinuha ako noon ng alkalde namin pagkatapos malaman niya na umalis na ako ng seminaryo. Malakas ang lola ko sa kanya kaya siguro kinuha ako sa trabaho. Mahirap naman na din kasi ang makahanap ng trabaho ngayon kung wala kang kakilala. Hindi na masyadong basehan kung anu ang alam mo. Mas basehan ngayon kung sino ang kakilala mo. At kung sawa ka naman na sa sistema ng lipunang ito malawak ang mundo at madami ang naghahanap ng aalilain sa ibang bansa. Sa hirap nga naman ng buhay ngayon ang mataas na pinag-aralan mo pa rin ba ang iisipin mo? Hindi iyon ang mahalaga kung ang sikmura ay naghihirap na at wala ng laman. Pero hindi ko inisip na mawawalan ako ng trabaho. Iniisip ko kung paano ko aayusin ang sarili ko ngayon. Lalayo na muna ako. Pupunta kung saan ako ipapadpad ng hangin. Sana pagdating ng araw mahanap ko ang aking sarili. Pero paano ba hahanapin ang aking sarili? Paano hahanapin ang isang bagay na nasa akin pala?
DISYEMBRE. Ito sana ang ika-anim na taon na wala ako kasama sa pasko kung hindi ako umuwi. Hindi masyadong malamig ngayon ang pasko. Epekto siguro ito ng tinatawag nilang global warming. Marahas kasi ang tao. Sabi nila ang tao kayang magpatawad pero ang kalikasan, ang mundo hindi. Mamayang gabi na pala ang Noche Buena. Masaya ako kasi maganda na uli ang samahan namin ng magulang ko. Alam pala nila na may binibigay ako sa mga kapatid ko. Medyo hindi na rin umiinum ang tatay ko. Siguro ito na ang magandang pagkakataon para ipakilala ko na sa kanila si Lot.
Maliwanag ang bahay nila Lot. Medyo madami na ang mga pagbabago. Siguro maganda ang takbo ng negosyo at trabaho kaya napaganda ang bahay nila. Punong puno ng Christmas lights. Nagbigayan na siguro sila ng mga regalo kasi nagbubukas na ng regalo ang bunsong kapatid ni Lot kasama ang mga batang pinsan din nila. Bola ang natanggap na regalo ni bunso. Malakas ang tawanan at kwentohan ang mga mag-anak sa loob ng bahay. Masaya nga naman ang buhay kapag nakakaraos na sa buhay. Pamiliar sa akin ang lalaking nakatayo sa balcon. Nilapitan siya ni Lot at hinalikan sa pisngi pagkatapos ay niyakap. Napatigil ako. Mukhang mawawalan na ako ng hangin. Medyo sumisikip ang aking dibdib. Hindi maari ito. Sila na pala ni Jake ang katrabaho niya sa bangko. Kapansin-pansin na ang pagbabago ng katawan ni Lot. Maaring buntis na rin siya. Maari ring nanganak na. Hindi ko alam pero mas lalo ako nawalan ng lakas. Hindi na ako tutuloy. Anu pa ang dahilan para ibigay ko ang regalo ko sa kanya. Sayang. Limang taon ko ito inipon. Tumalikod ako agad at tinahak ang kalsadang parang walang hangganan. Hindi ko na alintana ang mga taong nakakasalubong ko galing sa simbahan. Mga paputok, mga naghihiyawan, nag-iinuman, nagtatakbohan. Nawalan ng saysay ang paskong sanay nagbibigay buhay. Hindi ko na pala namalayan kaharap ko na pala si nanay sa may pintuan ng bahay.
“Anak, anu nangyari sayo?” malumanay at medyo gulat na tanung ni nanay. “Anu ibig sabihin ng mga luha mo?”
“Nay, si Lot…” napatigil ako at humagulgol. Parang bumalik ako sa pagkabata na nagsusumbong sa kanyang ina.
“Pasensya ka na anak hindi namin nasabi sayo.”
“Bakit hindi niya ako hinintay?”
“Hindi ko alam anak. Hindi ko alam ang sagot. May mga bagay na hindi natin alam. Hindi lahat ng gusto natin napapasa atin. Hindi naman lahat ng ayaw natin eh hindi na mapapasa atin.” Sagot ni nanay sa tanong kong alam ko naman na ang sagot. Biglang napatigil ako sa pag-iyak at nanahimik.
“Kasalanan ko din nay.” Pabasag na tugon ko sa katahimikan namin ni nanay. Mahirap naman kasi ang maghintay. Pero nangako naman ako na babalik ako. Mas maganda na sana ngayon kasi mas naayos ko na ang sarili ko. Handa na ako.”
“Anu na ngayon ang plano mo anak?”
“Hindi ko alam nay.”
Matapos maubos ang luha ko nagpaalam ako na magpapahangin muna sa parke kahit madaling araw na at malamig na ang hangin. Umupo ako sa konkretong upuan kung saan huli kami nagkita. Medyo hindi naasikaso ang parke. Madamo na kasi. Hindi na masyadong mabulaklak. Nababaklas na din ang pintura ng mga paso at rebolto ni Rizal. Naputol na din ang malalaking kahoy na nakapaligid dito kaya naman mas makikita na ngayon ang mga bituin sa langit. Madaming bituin ngayon. Kapansin pansin ang isang bituin kasi napakaliwanag nito at parang ang lapit lapit.
“ Malayo na naman ang iyong tingin.”
Hindi ko napansin may katabi na pala ako sa kinauupuan ko. Hindi ako tumingin sa kanya pero alam ko na siya. Hindi pa rin nagbago ang boses niya pero mayroon ng pagkakaiba. Hindi na yung dati.
“Bakit ka nandito?” tanung ko sa kanya. Tumingin ako sa kanya pero bumalik din ako agad sa maningning na bituin.
“Nakita ka ni bunso kanina. Sa katunayan tinatawag ka pa nga niya… Hindi ka naman pumasok kaya alam ko nandito ka.”
“Bakit hindi mo ako hinintay?” nanginginig at mahinang tanong ko sa kanya.
“Hinintay kita Arnold. Lagi ako sa upuan na ito. Lagi ako sa balcon ng bahay. Naghihintay. Nagbabakasakaling bumalik ka. Hanggang sa mawalan ako ng pag-asa. Mahirap ang maghintay Arnold. Hindi ko alam kung talagang babalik ka pa. Ni wala ka nga sulat sa akin. Text o tawag man lang. Wala naman din ako balita galing sa bahay niyo. Hindi nga din alam ng kapatid mo kung asan ka. Alam ko nakita mo kanina si Jake kaya hindi ka tumuloy. Naawa siya sa akin. Siya ang kusang samaan ako tuwing hihintayin kita dito. Laging handang damayan ako tuwing nalulungkot ako at umiiyak.” Umaagos na ang kanyang luha sa kanyang mga pisngi.
“Patawarin mo ako” sabay yakap sa kanya. Hindi ko na pala namalayan kanina pa pala tumutulo ang aking mga luha.
Kung maibabalik ko lang ang panahon. Pero hindi na mahalaga kung anu nangyari. Ang mahalaga kung paano ako tumugon sa nangyari. Ang mahalaga sa akin nahanap ko ang magbibigay sa akin ng kapayapaan. Alam kong nasa mabuti siyang kamay. Naisip ko din mas mainam sa amin na mawala ako sa buhay ng mga mahal ko. Akala ko noon kailangan ako ng pamilya ko. Akala ko kailangan ako ni Lot.
“Tara na, hatid na kita sa bahay niyo. Medyo maliwanag na. Nakakasama sayo ang magpuyat. Kailangan mo na magpahinga.”
“Salamat.”
“Naalala mo pa ba yung pangako ko sayo noon na kapag hindi ikaw ang mapapangasawa ko?”
“Oo… Pagdarasal kita.”
Totoong hindi na maibabalik ang nakaraan pero pwede naman balikan ang iniwan.
Friday, October 31, 2008
Nawawala, Naniniwala at Nagwawala
“Nawawala ako!” sigaw niya.
“Nawawala o nagwawala?” tanong ng kasama. Dalawa lang sila sa kinalalagyan nilang kalsada.
“Kung hindi ka naniniwala magtanong ka sa akin!” Naiinis at patingin-tingin sa taas at baba, kanan at kaliwa.
“Bakit naman kita tatanungin kung alam mo naman na ang itatanong ko?”relax pa rin siya.
“Para nga maniwala ka na totoo ang sinasabi ko sayo!” hot pa rin ang ulo niya.
“At bakit ko naman kailangan pa malaman na kung totoo ang sinasabi mo sa akin?”nakangiti lang siya at medyo mahinahon siya makipag-usap kahit sa panahon ng kagulohan.
“Eh para kasing hindi ka naniniwala sa sinabi kong nawawala ako!” nagtaas na naman siya ng boses at parang nasa kabilang bundok na ang kausap.
“Paano mo naman nalaman na nawawala ka na pala?”civil pa rin na makipag-usap kahit medyo nababastos na siya ng kausap.
“Kasi hindi ko alam kong asan na ako!” pasigaw pa rin siya sa pagsagot sa mga tanong hindi naman dapat kailangan na sinasagot.
“Asan ka ba?” may awa na sa boses niya.
“Hindi mo ba alam? Andito ako kaharap mo!” namumula na ang kanyang mukha sa lakas ng pagkakasabi niya sa sagot niya.
“Alam mo pala, eh hindi ka naman pala nawawala.”relax pa rin kahit alam niyang galit na galit na ang kausap at medyo ninenerbiyos na din siya.
“Waaaaahhhhhh!!!!” sigaw niya.
Sino ang Nawawala? Sino ang Nagwawala? Sino ang Naniniwala?
Tatlo lang ang tanong pero hindi mo ito masasagot kung hindi mo ilalagay ang sarili mo sa dalawang tao na nag-uusap (nagsisigawan?). Wala sila pangalan kasi maaring ikaw siya. Nailagay mo na ba ang sarili mo sa kanila? Ngayon, iibahin ko ang mga tanong: Anu ang mga bagay na nawawala mo sa sarili mo? Mahalaga ba ang mga ito sa iyo? Bakit ka nagwawala kapag nawala mo ang mga ito? At anu at sino ang pinaniniwalaan mo kapag may nawawala ka at kahit lahat na ay nagwawala para lang maniwala ka? Paano ka magrereact sa panahon kung saan hindi mo na naiintindihan ang nangyayari sayo?
Langgam ni Noynoy
October 10th, 2008
Isang magkaibigan ang naisipang magkulong sa isang kwarto. Wala kasi silang klase ngayon sa kadahilanang medyo masakit lang ang ulo ng kanilang titser. Hindi pa daw nakakabayad ng utang sa kapwa niya guro. At dahil sa masaya ang araw na ito naisipan nilang magkulong sa kwarto ni Noynoy. Naisip nilang huwag lalabas buong maghapon. Walang kainan. Walang computer. Walang cellphone. Walang tulugan. Walang playstation. Walang TV, DVD, VCD, MP3, IPOD, VHS at Betamax. Walang myx at mtv. Wala din sana imikan pero hindi nila iyon naisip. Wala na din sana ako isusulat. Pwede uminum ng tubig lang. Basta trip lang nilang magkulong. Hindi sa kadahilanang wala silang pera kaya hindi sila makakalabas. Madami sila nito. Hindi nga lang nila alam gamitin. Hindi rin dahil grounded sila sa kanilang mga magulang. Hindi yoon maaring magiging dahilan ng pagkukulong nila kasi kayang-kaya nila parents nila. Ang maganda dito talagang naisip lang nila na magkulong. Going crazy? I don’t know. Ito ata ang unang pagkakataon na seryosong nag-isip sila. Pero plain trip lang nila ngayon ang ganito. Hindi pa kasi nila naranasang maboring sa tana ng buhay nila kaya gusto siguro nila ito i-experience - ang boredom. Pero madami ang nagagawa ng taong naboboring tulad ng nangyari sa malaking gulong sa mga carnaval. Naboring noon si Ferry kaya may Ferry’s Wheel. Nagbabayad ang mga tao ngayon para matakot at maghiyawan sa pagsakay sa malaking gulong na ito. Anyway, ika nga nila trip is trip!
Biglang nabasag ang katahimikan ng biglang tumawa si Noynoy. “Bwahahaha! Walang hiya! Nakakatawa naman ang mga ito!” Halos mamatay na ito sa kakatawa habang nakaturo ang kanyang hintuturo sa isang sulok ng pader ng kwarto at pagulong-gulong na din siya.
“Hoy! Gago! Bakit ka tumatawa diyan? Para kang demonyo!” masungit na tanong ng kaibigan. Ippi pala ang pangalan niya. Matagal na silang magkaibigan kaya medyo okay lang na magkagagohan sila kaysa naman magkagagahan.
“Hahaha! Ang demonyo galit sa kapwa demonyo! Relax lang pare.” Mahinahon at masayang sagot ni Noynoy.
“Gago! Anu ba kasi yan?” medyo bumaba ang tono ni Ippi. Mas mababa sa boses ngbaka.
“Hindi kasi kaya ng mata mo makita ang mga maliliit na bagay. Malalaki lang ang kaya. Tulad ng mga malalaking toinks! Kunin mo nga yung magnifying glass jan para makita mo! Bwahahaha!” nag-ala demonyo na naman si Noynoy.
“Walang hiya ka! Bakit mo ba tinatawanan yang pader?!” tumaas na naman ang boses ni Ippi. Mas mataas uli sa boses ng baka. “Nakadrugs ka ata pare! Nagsosolo ka na ngayon ah!”
“Ulol! Drugs ka jan!? Wala sa dictionary ko ang drugs!” medyo pikon na sumbat ni Noynoy. Ayaw niya kasing mapagbintangan ng wala naman sa kanyang dictionary.
“Bwahahaha!!! Tanga! Hindi dictionary! Vocabulary! bobo! Bwahahaha! Si Ippi naman ngayon ang nag-ala-demonyo.
“Bwahahaha!!!” tumawa na lang siya para hindi masyadong mapahiya tulad ng ginagawa nila kapag wala silang maisagot sa titser nila tuwing recitation sa klase. Naisip niyang ibalik ang topiko sa dahilan ng kanyang pagtawa kanina. “Nakakatawa talaga ang mga ito!”
Matagumpay na naibalik ni Noynoy ang kaibigan at nailihis sa kahihiyan. Nilapitan na niya ang kaibigan. “Walang hiya ka bakit mo tinatawanan ang mga langgam? Uhm!” sabay batok sa ulo niya.
“Aray! Eh… Aray! Ang sakit noon ah!” hindi na makasagot sa sakit na nararamdaman si Noynoy. Sa sitwasyong nasasaktan mahirap makapag-isip ng tama.
“Atsaka bakit may langgam dito? Walang hiya! May tinatago ka palang pagkain dito sa kwarto mo!Kanina pa ako gutom kaya ilabas mo na!” sabay hawak sa tiyan ni Ippi. Nagagalit si Ippi na may nalaman siyang baho pero naisip din niyang sumali sa bulok na ito. Naisip niya kasi ang mga politiko.
“Hahaha! Nasa rules and regulations natin ngayon na walang kainan kaya… kaya kahit may pagkain ako jan hindi pwede! Shit! Tignan mo parang chocolateko ata ang mga hawak ng mga langgam na ‘to ah! Walang hiya!” medyo gulat at hindi na mapakali si Noynoy. Ngayon lang niya kasi naisipang sumunod sa rules and regulations at ngayon lang din niya naisip na masakit din pala ang manakawan ng chocolate.
“Ay oo nga pala anu?” nakangiting sagot ni Ippi sa wala naman tanong na sinabi ni Noynoy. Kahit tanong din ang sinagot. “Hayaan mo na sila. Uy! Bakit mo pala tinatawanan ang mga yan?”
“Bwahahaha!” biglang bumalik ang saya sa buhay ni Noynoy, nagniningning ulit ang kanyang mga mata. “Tignan mo kasi pare tuwing magkakasalubong sila eh naghahalikan sila. Bakla ata ang mga ito tulad mo! Hahaha!”
Hindi pinansin ang joke ng kaibigan. “Kaya sila ganyan kasi sinasabi nila na may natitira pang pagkain doon sa pinagkukunan nila. Atsaka parang kumustahan na nila yan. They encourage each other to go on. They inspired each other not to give up. Madami ka pa sigurong chocolate sa aparador mo. Determinado silang tapusin ang anumang naumpisahan.” Seryosong sagot ni Ippi sa wala namang tanong ni Noynoy sa kanya.
“Parang may alam ka tungkol sa kanila ah?” gulat na tanong ni Noynoy sa kaibigan at parang naninibago siya. Para kasing nag-iba ang ihip ng hangin. Kahit nakasara naman ang mga bintana at pinto. Biglang lumiliwanag ang buong kwarto na kinalalagyan nila at namamangha siya sa mga narinig niya. Determinado si Noynoy na malaman kung anu pa ang alam ni Ippi sa mga langgam at tila parang naghihintay ng karagdagang liwanag sa makulimlim na panahon ng kanyang buhay.
“Nag-iipon sila ng pagkain para sa panahon ng tag-ulan. Masinop sila. Nagtutulungan sila pare. Iniipon nila ang mga sinasayang ng mga tao. Walang nagugutom at walang sakim. Tignan mo mas disiplinado pa sila kaysa sa tao. Walang nag-uunahan, pumipila sila. Hindi nila inaapakan ang kanilang kapwa. Lahat may kanya-kanyang tungkulin na ginagampanan. Pare, langgam man sila pero parang mas may puso pa sila kaysa sa tao. Hindi nila hinahayaan ang kapwa nila na nagugutom at namamatay. Totoong may hari at reyna sila pero walang mahirap o mayaman sa kanila. Lahat pantay-pantay. Reyna lang ata ang nandiyan ngayon. Nagbakasyon kasi ang hari.” Buong pusong sagot ng kaibigan sa tanong. Hindi man niya inakala na lalabas sa bibig niya ang kanyang mga sinabi pero alam niyang naniniwala siya dito.
“Pare… langgam ka ba?” Biglang tumulo ang luha ni Noynoy at buong higpit na niyakap ang kaibigan.
“Tahan na Noy, huwag mong hawakan ang hari.”
Sana Wuthering Heights na lang: A very very short story
September 23rd, 2008
Isang magkaibigan na hindi inaasahan ang nagkita sa harap ng Jollibee.
Male: Totoo ba yung sinabi mo sa akin kagabi?
Female: Ha? Kagabi? Anu yun?
Male: Yung kagabi noong nagtetext tayo.
Female: Alin dun?
Male: Di ba sabi ko sayo I love you tas sabi mo I love you too?
Female: Ah yun ba? Bakit?
Male: Totoo ba yun?
Female: Nakainum ka kagabi di ba?
Male: Huh?
Pagkatapos ng pag-uusap nila biglang bumuhos ang malakas na ulan.
*end*
Bakit sa Jollibee pa sila nagkita? Pwede naman sa Mcdo di ba? Bakit kaya sinasabi ng babae na nakainum ang lalake? Hindi kaya yung babae ang nakainum? Bakit kaya parang nakalimutan na ng babae ang pinag-usapan nila eh kagabi lang naman sila nagkausap di ba? Anu naman kaya ang maaring ininum ng lalake para sabihin niya iyon? Bakit kaya naisip ng babae na nakainum yung lalake? Hindi ba kapanipaniwala na magmamahal ang lalake sa kanya? Totoo ba ang nararamdaman ng lalake o talagang epekto lang iyon ng pag-inum niya na nasasalamin sa sinabi ng babae? Maari kayang mahal din ng babae ang lalake kaya lang ayaw niya itong aminin? Kasi di ba parang nakalimutan na ng babae ang pinag-usapan nila? Nakaapekto ba ang pagsabi ng nararamdaman ng lalake sa pamamagitan ng text? Maari din kaya na ayaw talaga ng babae yung lalake pero sinabi niya lang yun sa text para hindi niya ito masaktan? Anu kaya ang maaring naramdaman ng lalake pagkatapos ang pangyayari? Anu kaya ang gagawin ng lalake kasi di ba parang basted siya? Bakit kaya hindi na lang nagsinungaling yung lalake para hindi na lang siya nasaktan? Magpapakamatay ba siya tulad ng mga ginagawa ng mga Pilipinong nasasaktan sa pag-ibig? Bakit hindi na lang niya binawi ang sinabi ng lalake na mahal niya yung babae? O kaya eh sinabing joke lang yun, bakit hindi niya yun sinabi? Anu ang maaring kahihinatnan ng pagkakaibigan nila matapos sabihin ng lalake ang pagmamahal niya? Totoo kaya yung sinabi ni Lex Luthor sa Smallville kay Lana na “Because there are some doors that can’t be closed once they’re opened?” Nabuksan na ang puso ng lalake, paano niya kaya iyon isasara eh wala naman na papasok? Bakit pagkatapos ng pag-uusap nila umulan ng malakas?
Anu ang epekto sayo ng nabasa mo? Naranasan mo na ba ang naranasan ng lalake? Eh yung babae? Anu ang maari mong gawin kung ikaw yung lalake? Kung ikaw yung babae gagawin mo din ba yung ginawa niya? Bakit? Bakit hindi lahat ng gusto mong mahalin eh mahal ka din? Bakit hindi lahat ng nagmamahal eh minamahal? Naranasan mo na bang magmahal sa text? Anu ang maaring epekto ng pagsabi mo ng pag-ibig mo kung hindi ito personal? Pagdududahan di ba? At kung personal man, paano mo maipapakita na hindi ito kalokohan?
Isang tanung lang ang maari mong sagutin kaya pili na!
Anu man ang mangyari naniniwala ako sa sinabi ng mama ni Clark Kent sa kanya, “The hardest thing in life is losing the people you love. But you’ve learn to move on… we all do.”
Alam mo at Sakit ko
September 23rd, 2008
May tanong sa amin ang isang madre. Eto yung tanong niya, “Kailan ang pakikialam ay pagmamalasakit at kailan ang pagmamalasakit ay pakikialam?” Sabi ko sa sarili ko sana hindi na lang siya nagtanong. Hindi ko kasi alam kong nililito lang kami ng madre o di kaya eh nakakalito lang talaga ang tanong. Maari din naman na ayaw ko lang sagutin ang tanong kaya hindi ko na pinansin. Pero kung pagtutuonan ng pansin, pagninilayan ito ng mabuti at pupuyatan ito na kasama ang manok na hindi alam kung umaga na o madaling araw pa lang, makakagawa na ako ng isang nobela na susunugin ko din naman kasi walang magbabasa. At kung mapapansin niyo din inilalayo ko ang usapan sa tanong ng madre. At dahil ako ang nakapansin, sasagutin ko na lang ang tanong sa pamamagitan din ng mga sagot niya. Sabi niya kung ito daw ay nakakamatay siguradong pakikialam daw iyon at kung ito naman nakakabuhay syempre eh pagmamalasakit na yon. Kailan ka ngmalasakit sa kapwa mo pero sinabing nakikialam ka lang? Kailan ka naman nakialam pero pagmamalasakit pala iyon?
Isang kaibigan ang nagsabi sa kaibigan niyang may asawa. “Pare, mag-isip-isip ka nga! Bakit ka pa nakikipagkita sa ibang babae eh may asawa ka na nga!? Isipin mo naman ang pamilya mo, mga anak mo! Alam ko pare mahal ka ng asawa’t mga anak mo kaya huwag ka sanang ganyan!” At ito naman ang sinabi ng taksil na kumpadre sabay tutok ng baril sa bunganga ng nagmamalasakit na kumpadre. “Huwag kang makialam pare! Kapag nalaman ito ng asawa ko ikaw ang mananagot!” Ngayon, nagmamalasakit ba ang nagmamalasakit na kumpadre o nakikialam nga lang talaga? Huwag kalimutan, nakatutok ang baril sa bunganga. Nakakamatay di ba? Pero kung ako sayo huwag mo na isipin ang sagot kasi gawa gawa ko lang naman ang kwento ng magkaibigan na ito. Ngunit alam ko at alam mo at alam natin lahat na ang kwentong ito ay maaaring mangyari sa totoong buhay o di kaya eh nangyari na o maaring nangyayari na. Ika nga nila lahat possible.
Naisip ko lang at nagpapatunay din ang buhay ko na mahirap makuntento ang tao. Lahat gusto niya mapasakanya. Lahat aangkinin kung may pagkakataon at kung maari. Kung pwede nga bilhin ang buong mundo gagawin. Pero pwede naman ata. Nabili na ito ng isang taong namatay para matubos ang sangkatauhan. Pero alam kong sasabihin niyong spiritualized na naman ito. Pero hindi ba tama naman ako? Mukhang may tama nga ako. Kasi iyon ang sabi nila sa akin noong tinahak ko ang landas na tinatahak ko ngayon. Sa dinamidami nga naman ng pag-aaralan sa eskwelahan bakit pa ito ang napili ko. At kung iisipin nga naman napakahirap ng napili ko. Iisipin pa lang ito, paano na kaya kung gagawin na? Buong buhay o habang buhay kasi ako dapat magtimpi. Mahirap nga naman talaga. Siguro tatanungin niyo sa akin ngayon kung kaya ko ba? Tinanong ko na din ang tanong na yan. Ang sagot? Nakakaya ko pa naman. Kahit nahihirapan. Alam kong may mga bagay na hindi na pwede sa akin.
Sabi nga ni Bo Sanchez, “Satisfaction is not getting what you want but wanting what you already have.” May cellphone ka na ba? Magpapalit ka naman ba? May computer ka na? Bibili ka pa ba ng iba? May sasakyan ka na? Bago na naman ba? May asawa ka na? Bakit nanliligaw ka pa o di kaya nagpapaligaw ka pa? Hindi mo ba alam na naliligaw ka na? Maganda pa naman ang bahay niyo iibahin na naman ba? Madami tayo gusto angkinin pero hindi pa kasi natin naangkin ang mga nasa atin na. Kung alam lang sana natin ang kahihinatnan ng ating mga ginagawa wala na sana ngayong nakikialam at nagmamalasakit.
Nakakabinging Katahimikan
September 7th, 2008
“Huwag mong tularan si tatay. Tularan mo ang mga kabutihan na ginawa niya kung mayroon man” sabi ko sa nakababatang kapatid ko.
Mag-aasawa na kasi siya sa kadahilanang nabuntis niya ang kanyang kasintahan. Hindi ko masisisi ang kapatid ko. Alam kong kagustuhan din niya ang nangyari dahil noon pa man ay sinasabi na niya sa amin na gusto na niyang mag-asawa ngunit lagi kong sinasabi na huwag muna.
“Oo kuya, salamat at naiintindihan mo ako” ang tugon sa akin ng kapatid ko.
Ayaw ko man isipin pero naaawa ako. Wala siyang trabaho at hindi pa niya masyadong na-enjoy ang pagiging binata. Maaring hindi maganda ang kalalabasan tulad ng mga kaibigan kong maaga din nag-asawa kasi nabuntis kasi sila. Pagkaraan ng isa o dalawang taon ay naghihiwalay na. Maiisip na lang nila pagkagising nila na hindi pala nila mahal ang katabi nila. Maaring sisihin ang magulang na nagtutulak sa kanila na magpakasal dahil sa kahihiyang dulot nito sa pamilya.
“Ading, maghanap ka ng trabaho mo. Huwag kang papaasa sa mga magulang natin. Magkakapamilya ka na. Hindi ka na binata kaya huwag mo na gagawin ang mga bagay na gawain lang ng mga walang asawa.” Sabi ko sa kapatid ko habang hinahatid ko sila para maghintay ng sasakyan pauwi sa bahay ng asawa niya.
“Oo kuya, naghahanap naman ako ng trabaho.”
Nanahimik ako sa sagot niya.
Pagkaraan ng ilang minuto.
“Kuya, tignan mo si papang ha? ‘Kaw na bahala sa kanya kuya. Sabihin mo huwag na siya iinum kasi nakakasama sa kanya iyon kuya.”
Napatigil ako. May katahimikan at kaguluhan sa loob ko at medyo natutulala ako. Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. Nagpaalam na lang ako noong may sasakyan na. Napaisip ako ng malalim. Sa dinamidami ng sasabihin sa akin ng kapatid bakit yoon pa ang sinabi niya. Hindi ba siya nag-aalaa sa pamilyang bubuuin niya? Bakit ang tatay pa namin ang inaalala niya?
“Tatay tama na po!” umiiyak na tugon ng panganay naming kapatid habang pinapalo siya ng tatay ko.
“Hindi kita anak! Ang tigas tigas ng ulo mo!” nangangalit na sigaw ng tatay ko.
Wala akong magawa habang binubugbog ng tatay ko ang kapatid ko. Wala din magawa ang nanay ko kasi takot din siya sa tatay ko. Hindi ko alam kung anu ang nararamdaman ko habang nangyayari ito. Gusto ko siyang pigilan pero anung magagawa ng musmus na tulad ko. Baka ako pa ang pagbalingan ng galit ng tatay ko. Nabuo ang takot, galit at pagkamunghi.
“Nakasakay na ba sila?” tanung sa akin ni tatay pagdating ko sa bahay.
“Opo tay.”
“Yung asawa ng kapatid mo hindi naman maaga kung gumising para sana maglalakad-lakad para makapag-exercise.” Sambit agad ni tatay.
Biglang sumulpot si nanay.
“Paano makakagising ng maaga yoon e pinupuyat mo naman. Hindi ka naman nagpakatulog kagabi. Alas-dose na nagsasalita ka pa at ang lakas lakas pa. Ganyan ka naman lagi pag lasing!”
Napangiti lang ako sa sinabi ng nanay ko habang nakatigtig siya sa tatay ko.
Ayaw ko sana sumapaw pero nandun na rin kasi ang topiko.
“Tatay, bakit po kayo naglalasing? Tumingin sa akin ang tatay ko habang humihiling.
“Matagal ko na pong tinatanung sa inyo ito. Hindi pa rin ninyo ako sinasagot.”
“Ang pag-iinum ko…” putol na sagot ni tatay.
“Sabihin niyo naman po para maintindihan ko po kayo. Para maintindihan namin kung bakit gabi-gabi na lang e inum ang inaatupag niyo. Sabi niyo sa akin noon pang-alis ng pagod. Uminum ako. Hindi naman po tay! Nakakapagod naman!” medyo pataas na ang boses ko.
“Pag-umiinum naman ako wala naman ako ginagawang masama ah. Dito lang naman ako sa bahay.”
“Alam ko yun tay, ang tinatanung ko po kung bakit kailangan ninyo uminum? E nakakasama naman po sa kalusugan ninyo ang ginagawa niyo ah! Tignan niyo hindi pa rin gumagaling yang sugat niyo. Ang payat payat na nga ninyo e! Bakit anu ba problema niyo?! May problema kayo sa pera? Kung yun ang problema niyo lalabas muna ako at magtatrabaho!”
“Hindi yun anak,” malumanay na sagot ni tatay.
“E anu?!!” tanung ko, “alam mo tatay isa lang naman ang hiling namin sa inyo e huwag ka na uminum. Hindi namin kailangan ang pera mo. Kailangan ka namin.”
Biglang tumulo ang luha ng tatay ko. “Alam mo ba tay kung ano sabi sa akin ng kapatid ko bago siya umuwi? Tignan ko daw po kayo. Na sana po huwag na kayong iinum. Tignan mo tay, aalis na si Ading pero kaw pa rin ang iniisip niya. Mahal ka namin tay!”
Medyo basa na rin ang mga mata ni nanay habang tinititigan niya si tatay.
May nakakabinging katahimikan bago nagsalita uli si tatay.
“Kung yun ang hiling niyo, gagawin ko.” tugon ni tatay habang pinupunas niya ang kanyang mga luha.
“Tay, naniniwala ka ba sa mga sinasabi mo? Madali kasi magsalita.”
“Oo, anak.”
“Sana nga po…”
May nakakabinging katahimikan. Pagkaraan ng ilang sandali. Nagtayuan na kami at isa isang umalis sa hapag kainan. Nagliligpit na si nanay sa mga pinagkainan. Binuksan naman ni tatay ang tv. Habang palabas naman ako para magpahangin sa may harapan ng bahay.
“Kumusta na kaya ang mga kapatid ko?” tanung ko sa aking sarili.
Sagutin kung gusto:
1. Anu ang “nakakabinging katahimikan” sa kwento? Anung gusto mong pamagat ng kwento? Bakit?
2. Bakit seryoso ngayon ang nagsulat?
3. Anu ang feeling ng nagsasalaysay sa unang bahagi ng kwento? Ipaliwanag.
4. Nag-iba ba ang feeling ng nagsasalaysay sa katapusan ng kwento? Bakit?
5. Anu sa palagay mo kung bakit ang tatay pa rin nila ang iniisip sa kabila ng pagiging lasenggo at marahas?
6. Naniniwala ka bang nangyari sa totoong buhay ang kwento? Kung ‘hindi’ bakit? At kung ‘oo’ bakit din?
7. Sa iyong palagay matutupad kaya ng tatay nila ang sinabing hindi na siya iinum? Bakit hindi? Anu sa palagay mo ang problema ng tatay? Ng Anak?
8. Kung hindi nito matutupad, anu ang maaring gawin? At hindi maaring gawin?
9. Nagustuhan mo ba yung pagsagot at pag-uugali ng tatay sa kwento? Bakit?
10. Anu sa palagay mo ang dapat na ending ng kwento?
11. Bakit kinukumusta ng nagsasalaysay ang mga kapatid sa katapusan?
12. Anu pang maaring itanung maliban sa mga tanung ko?
13. Bakit ang dami ng tanung e ang ikli naman ng kwento?