SETYEMBRE. Umpisa na ng buwang ‘bre’ ang katapusan. Isang palatadaan na lalamig na ang simoy ng hangin at malapit na ang pasko. Pinakamasaya sa buhay ng Pinoy ang pasko. Sa kadahilanan siguro na madami ang regalo. Hindi dapat ang pasko ang pinakamahalaga sa buhay ng mga kristiyano. Iyon ang tinuro sa amin noong nag-aaral pa lang ako. Ang semana santa sana ang pinakamahalaga kasi tinubos tayo. Hindi ko alam pero siguro hindi masyadong naipamulat o naituro ng mabuti ang paniniwalang ito.
“Nod , anu ang iniisip mo?” tanong sa akin ng kasintahan ko. Nod ang tawag niya sa akin. Arnold ang totoo kong pangalan. Nod-nod tawag nila sa bahay. “Kanina ka pa hindi umiimik at malayo ang tingin mo.”
Tumingin ako sa kanya habang akap-akap ko siya. Ngumiti lang ako at tumingin uli ako sa malayo. Ngayon naman sa ulap na medyo maitim. Mukhang uulan ata sabi ko sa aking sarili.
“Siguro iniisip mo kung anu ireregalo mo sa akin sa pasko anu?” pabirong sabi sa akin. “okay na sa akin ang wedding ring.” Tumawa siya sabay halik sa pisngi ko.
Medyo matagal na rin kami ng kasintahan ko. Nasa ikalawang taon ako sa seminaryo noong nakilala ko siya. May pinsan kasi siya noon na nag-aaral din sa amin. Pinakilala ako at sa hindi malaman na kadahilanan eh nagkamabutihan kami. Masaya siyang kasama. Walang oras na hindi ako tatawa kapag kasama ko siya. Ang dami niyang kwento at minsan may mga korning jokes na ako lang ang nakakasikmurang tawanan. Hindi ko inakalang lalabas ako ng seminaryo ng dahil sa kanya. Ngunit dahil ba talaga sa kanya? Lagi kong tinatanung sa aking sarili. Pero masaya naman ako kapag kasama ko siya. Hindi ko naman pinagsisihan ang desisyon ko kahit medyo nagkalabuan kami ng pamilya ko dahil dito. Hindi kasi maintindihan ng magulang ko kung bakit bigla ko na lang naisip na hindi tumuloy sa theolohiya pagkatapos ko ng kolehiyo sa seminaryo. Ako kasi ang nagpumilit na pumasok noon sa seminaryo. Ayaw kasi nila at noong okay na sa kanila iyon naman yung oras na ayaw ko na. May magandang trabaho na ako ngayon at medyo nakakatulong naman ako sa mga kapatid pero palihim nga lang kasi ayaw kong malaman ng magulang ko.
“Lot, mahal mo ba talaga ako?” tanung ko sa kanya habang tinititigan ko siya sa kanyang mga mata. Maganda ang kanyang mata. Mapupungay ika nga nila. Lot tawag ko sa kanya. Charlotte ang kanyang tunay na pangalan. Lot-lot tawag sa kanya sa bahay nila.
“Oo naman. Bakit mo naman naitanung yan? Nagdududa ka ba sa akin?” malungkot na tanong niya sa akin.
Hindi ako umimik. Umiling lang ako pagkatapos ay tumayo ako sa kinauupuan namin sa gitna ng parke. Wala ako naisagot sa mga tanung niya. Walang boses na kayang lumabas sa bibig ko. Nag-umpisa na ako maglakad papalayo. Tumayo din siya at hinabol ako at hinawakan ang braso ko. Sa lakas ng kapit niya sa akin napaikot ako at nagkabanggaan ang aming mga katawan.
“Nod!”
“Anu sa tingin mo?! Lumabas ako ng seminaryo dahil sa iyo! Dahil mahal kita!” pasigaw na sumbat ko sa kanya. Iyon ang unang pagkakataon na sinigawan ko siya. Iyon din ang unang pagkakataon na tumulo ang luha niya sa harapan ko.
“Nod, mahal din naman kita a… Bakit ka ba nagkakaganyan? Hindi kita maintindihan…” paiyak na tugon niya sa akin. Napatigil ako. Magulo na talaga ang isip ko.
“Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Kailangan ko siguro ng space. Kailangan ko siguro isipin mabuti ito. Kailangan ko siguro lumayo muna sayo.”
“Nod, huwag mo gawin sa akin ito…” lalo siyang umiyak at sinubsob ang mukha niya sa dibdib ko. Hindi ako makagalaw. Ni hindi ko maitaas ang mga kamay ko para yakapin ko sana siya. Huminga ako ng malalim at buong tapang na itinaas ang aking mga kamay. Hinawakan ko ang kanyang mga pisngi at tinitigan ko ang kanyang mga mata.
“Lot, babalikan kita. Magulo lang talaga ang isip ko. Pangako ko sayo babalik ako. Okay?”
“Bakit kailangan mo pang lumayo?”
“Kailangan Lot. Para din sa atin ito kaya magtiwala ka sa akin. Pangako babalik ako.”
“Pangako mo yan ha?” nanginginig na tanong niya sa akin. At buong higpit na niyakap ako.
“Oo pangako” sabay ang pagbagsak ng malakas na ulan.
Iniwan ko siya mag-isa doon sa parke. Umalis ako na mabigat ang loob. Parang nakisabay na umiyak ang langit sa hinagpis na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung tama ang ginawa ko. Hindi ko alam kung makakabalik pa ako. Sabi nila ang pangako ay laging napapako. Natatakot akong maaring mangyari din sa akin ang hindi ko pagtupad ng pangako tulad ng pinangako ng tatay ko noon sa nanay ko na hindi na siya iinum. Nagtiwala ang nanay ko pero dalamput limang taon na ang nakalipas gabi-gabi pa rin nalalasing ang tatay ko. Ayaw kong matulad sa kanya. Ayaw kong saktan ang mahal ko. Iniwan ko siya, sinasaktan ko na ang mahal ko. Pero hindi ba mas lalo ko siyang masasaktan kapag kasama niya akong hindi naman buo ang puso’t isipan ko para sa kanya? Mas mainam nga siguro ang ginawa kong desisyon. Ito ang ikalawang pinakamalaking desisyon na nagawa ko sa buhay ko. Maaring masakit. Hindi lang pala maari kasi talagang napakasakit para sa akin ang desisyong ito. Noong nagdesisyon akong lisanin ang seminaryo para sa mahal ko ibinasura ko ang pinakaiingatan kong pangarap mula pa noong nasa elementarya palang ako. Pinangarap kong maging pari. Pinaglaban ko ang pangarap na ito dahil nga mahirap lang kami pero noong malapit ko na itong maabot tsaka naman ako nawalan ng gana, lakas ng loob at tiyaga. Lahat ng hirap na ginawa nila para sa akin para lang maabot ito ay parang bula na naglaho. Lahat dismayado sa akin. Sa katunayan, lumabas ako ng seminaryo hindi lang dahil kay Lot. Maaring isa siya sa mga dahilan. Pero tulad ng nararanasan ko noong kaguluhan sa loob ko ganun din ang nararanasan ko ngayon iniwan ko siya. Ako ang may problema. Hindi sila. Hindi ko maayos- ayos ang buhay ko. Magulo.
Iniwan ko din ang trabaho ko. Kinuha ako noon ng alkalde namin pagkatapos malaman niya na umalis na ako ng seminaryo. Malakas ang lola ko sa kanya kaya siguro kinuha ako sa trabaho. Mahirap naman na din kasi ang makahanap ng trabaho ngayon kung wala kang kakilala. Hindi na masyadong basehan kung anu ang alam mo. Mas basehan ngayon kung sino ang kakilala mo. At kung sawa ka naman na sa sistema ng lipunang ito malawak ang mundo at madami ang naghahanap ng aalilain sa ibang bansa. Sa hirap nga naman ng buhay ngayon ang mataas na pinag-aralan mo pa rin ba ang iisipin mo? Hindi iyon ang mahalaga kung ang sikmura ay naghihirap na at wala ng laman. Pero hindi ko inisip na mawawalan ako ng trabaho. Iniisip ko kung paano ko aayusin ang sarili ko ngayon. Lalayo na muna ako. Pupunta kung saan ako ipapadpad ng hangin. Sana pagdating ng araw mahanap ko ang aking sarili. Pero paano ba hahanapin ang aking sarili? Paano hahanapin ang isang bagay na nasa akin pala?
DISYEMBRE. Ito sana ang ika-anim na taon na wala ako kasama sa pasko kung hindi ako umuwi. Hindi masyadong malamig ngayon ang pasko. Epekto siguro ito ng tinatawag nilang global warming. Marahas kasi ang tao. Sabi nila ang tao kayang magpatawad pero ang kalikasan, ang mundo hindi. Mamayang gabi na pala ang Noche Buena. Masaya ako kasi maganda na uli ang samahan namin ng magulang ko. Alam pala nila na may binibigay ako sa mga kapatid ko. Medyo hindi na rin umiinum ang tatay ko. Siguro ito na ang magandang pagkakataon para ipakilala ko na sa kanila si Lot.
Maliwanag ang bahay nila Lot. Medyo madami na ang mga pagbabago. Siguro maganda ang takbo ng negosyo at trabaho kaya napaganda ang bahay nila. Punong puno ng Christmas lights. Nagbigayan na siguro sila ng mga regalo kasi nagbubukas na ng regalo ang bunsong kapatid ni Lot kasama ang mga batang pinsan din nila. Bola ang natanggap na regalo ni bunso. Malakas ang tawanan at kwentohan ang mga mag-anak sa loob ng bahay. Masaya nga naman ang buhay kapag nakakaraos na sa buhay. Pamiliar sa akin ang lalaking nakatayo sa balcon. Nilapitan siya ni Lot at hinalikan sa pisngi pagkatapos ay niyakap. Napatigil ako. Mukhang mawawalan na ako ng hangin. Medyo sumisikip ang aking dibdib. Hindi maari ito. Sila na pala ni Jake ang katrabaho niya sa bangko. Kapansin-pansin na ang pagbabago ng katawan ni Lot. Maaring buntis na rin siya. Maari ring nanganak na. Hindi ko alam pero mas lalo ako nawalan ng lakas. Hindi na ako tutuloy. Anu pa ang dahilan para ibigay ko ang regalo ko sa kanya. Sayang. Limang taon ko ito inipon. Tumalikod ako agad at tinahak ang kalsadang parang walang hangganan. Hindi ko na alintana ang mga taong nakakasalubong ko galing sa simbahan. Mga paputok, mga naghihiyawan, nag-iinuman, nagtatakbohan. Nawalan ng saysay ang paskong sanay nagbibigay buhay. Hindi ko na pala namalayan kaharap ko na pala si nanay sa may pintuan ng bahay.
“Anak, anu nangyari sayo?” malumanay at medyo gulat na tanung ni nanay. “Anu ibig sabihin ng mga luha mo?”
“Nay, si Lot…” napatigil ako at humagulgol. Parang bumalik ako sa pagkabata na nagsusumbong sa kanyang ina.
“Pasensya ka na anak hindi namin nasabi sayo.”
“Bakit hindi niya ako hinintay?”
“Hindi ko alam anak. Hindi ko alam ang sagot. May mga bagay na hindi natin alam. Hindi lahat ng gusto natin napapasa atin. Hindi naman lahat ng ayaw natin eh hindi na mapapasa atin.” Sagot ni nanay sa tanong kong alam ko naman na ang sagot. Biglang napatigil ako sa pag-iyak at nanahimik.
“Kasalanan ko din nay.” Pabasag na tugon ko sa katahimikan namin ni nanay. Mahirap naman kasi ang maghintay. Pero nangako naman ako na babalik ako. Mas maganda na sana ngayon kasi mas naayos ko na ang sarili ko. Handa na ako.”
“Anu na ngayon ang plano mo anak?”
“Hindi ko alam nay.”
Matapos maubos ang luha ko nagpaalam ako na magpapahangin muna sa parke kahit madaling araw na at malamig na ang hangin. Umupo ako sa konkretong upuan kung saan huli kami nagkita. Medyo hindi naasikaso ang parke. Madamo na kasi. Hindi na masyadong mabulaklak. Nababaklas na din ang pintura ng mga paso at rebolto ni Rizal. Naputol na din ang malalaking kahoy na nakapaligid dito kaya naman mas makikita na ngayon ang mga bituin sa langit. Madaming bituin ngayon. Kapansin pansin ang isang bituin kasi napakaliwanag nito at parang ang lapit lapit.
“ Malayo na naman ang iyong tingin.”
Hindi ko napansin may katabi na pala ako sa kinauupuan ko. Hindi ako tumingin sa kanya pero alam ko na siya. Hindi pa rin nagbago ang boses niya pero mayroon ng pagkakaiba. Hindi na yung dati.
“Bakit ka nandito?” tanung ko sa kanya. Tumingin ako sa kanya pero bumalik din ako agad sa maningning na bituin.
“Nakita ka ni bunso kanina. Sa katunayan tinatawag ka pa nga niya… Hindi ka naman pumasok kaya alam ko nandito ka.”
“Bakit hindi mo ako hinintay?” nanginginig at mahinang tanong ko sa kanya.
“Hinintay kita Arnold. Lagi ako sa upuan na ito. Lagi ako sa balcon ng bahay. Naghihintay. Nagbabakasakaling bumalik ka. Hanggang sa mawalan ako ng pag-asa. Mahirap ang maghintay Arnold. Hindi ko alam kung talagang babalik ka pa. Ni wala ka nga sulat sa akin. Text o tawag man lang. Wala naman din ako balita galing sa bahay niyo. Hindi nga din alam ng kapatid mo kung asan ka. Alam ko nakita mo kanina si Jake kaya hindi ka tumuloy. Naawa siya sa akin. Siya ang kusang samaan ako tuwing hihintayin kita dito. Laging handang damayan ako tuwing nalulungkot ako at umiiyak.” Umaagos na ang kanyang luha sa kanyang mga pisngi.
“Patawarin mo ako” sabay yakap sa kanya. Hindi ko na pala namalayan kanina pa pala tumutulo ang aking mga luha.
Kung maibabalik ko lang ang panahon. Pero hindi na mahalaga kung anu nangyari. Ang mahalaga kung paano ako tumugon sa nangyari. Ang mahalaga sa akin nahanap ko ang magbibigay sa akin ng kapayapaan. Alam kong nasa mabuti siyang kamay. Naisip ko din mas mainam sa amin na mawala ako sa buhay ng mga mahal ko. Akala ko noon kailangan ako ng pamilya ko. Akala ko kailangan ako ni Lot.
“Tara na, hatid na kita sa bahay niyo. Medyo maliwanag na. Nakakasama sayo ang magpuyat. Kailangan mo na magpahinga.”
“Salamat.”
“Naalala mo pa ba yung pangako ko sayo noon na kapag hindi ikaw ang mapapangasawa ko?”
“Oo… Pagdarasal kita.”
Totoong hindi na maibabalik ang nakaraan pero pwede naman balikan ang iniwan.